ITINUTURING na isa sa pangunahing dahilan ang patuloy na pagpapatupad ng iba’t ibang infrastructure projects sa ilalim ng ‘Build Build Build’ program ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naitalang mahigit sa apat na milyong trabahong nalikha sa bansa, partikular sa construction sector.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar, base sa Labor Force Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 4.012 milyon ang nabigyan ng hanapbuhay hanggang Abril 2018 .
Ito’y mas mataas ng 13.2 percent sa 3.544 milyong trabaho na naitala sa kahalintulad na panahon noong 2017.
Dagdag ng kalihim, sa pagsisimula ng Duterte administration noong 2016, ang employment sa naturang sektor ay nasa 3.381 milyon lamang.
“’Build Build Build’ is gaining momentum at an unprecedented rate,” pahayag ni Villar na binigyan-diin na mas marami ang trabaho na nalikha sa unang taon pa lamang ng Duterte administration kompara sa nakalipas na limang taon.
“In the first quarter of 2018, the Gross Value Added in Construction is at 9.3%,” aniya.
Sa panig ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, naniniwala itong tataas pa ang infrastructure spending at magreresulta sa karagdagang isang milyong ‘direct and indirect jobs’ kada taon.
“This administration, through the strong leadership of President Duterte, is on target. Investments in construction grew by 10.1% in the first quarter of 2018. Public construction expanded by 25.1%. ‘Build Build Build’ is ‘Jobs Jobs Jobs’. This is providing life to our nation. Unemployment has already decreased to 5.5% from 5.7%, year-on-year. We expect this figure to shrink further,” ayon pa kay Tugade. ROMER R. BUTUYAN