4 MINALAS SA COUNTER ILLEGAL DRUG OPERATION

DRUG OPERATION

LAGUNA – APAT na drug personalities ang napatay ng mga tauhan ng PNP Police Regional Office 4 sa kanilang magka-kahiwalay na anti-drug operation sa lalawigang ito.

Ayon kay Police Col. Eleazar Matta, Laguna police director nasawi si Rolando Castillo, hinihinalang drug pusher nang makaengwentro ang mga pulis sa San Pablo City.

Pinaputukan umano ni Castillo na nasa drug watchlist ng PNP ang mga pulis na nagsagawa ng buy bust dahilan para gumanti ng putok ang awtoridad.

Habang sa bayan naman ng Sta. Cruz patay rin ang drug suspect na si Von Ryan Castillo na nanlaban sa isinagawang law enforcement operation.

Bagaman magka-apelyido ang dalawang nasawing suspek, sinabi ni Matta na hindi sila magkamag-anak.

Samantala patay ang dalawang mi­yembro ng isang drug syndicate habang nakatakas ang isa nilang kasamahan sa ope­rasyon ng pulisya sa Balayan, Batangas.

Ayon kay Balayan, Batangas police chief, Marlon Cabataña, ­maghahain sana ng search warrant ang mga pulis sa bahay ng mga suspek na sina Ulyses Pantoja, 39, at Gerry Castillejos, 44, bandang alas-6 ng umaga nang manlaban umano ang 2 lalaki.

Naitakbo pa sa Metro Balayan Medical Center sina Pantoja at Castillejos ngunit binawian din ng buhay ang mga suspek.

Pawang miyembro ng Mamayog Drug Syndicate ang tatlo na nag-o-operate sa ­unang distrito ng Batangas.

May mga nakuhang ilegal na droga at drug paraphernalia sa hideout ng tatlo.

Patuloy na tinutugis ang isang nakatakas na suspek. VERLIN RUIZ

Comments are closed.