QUEZON CITY – APAT katao ang naitalang nasawi sa magkakahiwalay na aksidente sa lungsod na ito ngayong araw.
Una na rito ang pagkamatay ni Marissa Placido Y Soria, 58, na nasagasaan ng isang taxi nitong Miyerkoles habang tumatawid sa eastbound lane ng Quezon Avenue, Corner Tuayan St., Brgy. Talon, bandang alas-4:30 ng madaling araw.
Kinilala naman ang driver ng taxi na nakabundol na si Cipriano Salang Jr. y Cerdeña, 59, residente ng Gate 3, Area A, Zone 2, Delpan, Parola, Tondo, Manila.
Sa lakas ng banggaan ay tumilapon sa gitna ang biktima na agad namang isinugod sa East Avenue Medical Center ngunit pumanaw rin habang ginagamot.
Bandang alas-12:30 naman ng madaling araw kamakalawa ay pumanaw si PO2 Lexter Jess Lora Batolio, 31, matapos sumemplang ang sinasakyang motor habang binabaybay ang Boni Serrano/ Katipunan Avenue Underpass patungong E. Rodriguez Jr. Avenue.
Sa imbestigasyon ni PO1 Oscar A. Sese, nawalan ng kontrol ang motor ng biktima habang papaliko sa daan, dahilan upang tumilapon ito sa kalsada. Nagtamo ng fatal injury ang biktima na agad isinugod sa Quezon Memorial Medical Center ngunit namatay rin bandang ala-1:49 ng madaling araw.
Samantala, bandang alas-3:15 ng madaling araw nang mabundol ng isang Honda Jazz na may plate number na NEO-414 ang isang motorsiklo, na naging dahilan ng pagpanaw ng driver na si Rommel Ramos y Parañal, 19, at ang kasama nito na walang pagkakakilanlan na tinatayang nasa 19-25 anyos.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ng suspek na si Daryl Kiel Mora y Hernandez, 21, ang eastbound lane ng Quezon Avenue mula sa Banaue St. patungong Scout Chuatoco St. nang mabangga nito ang bandang hulihan ng motorsiklo dahilan ng pagtama ni Parañal sa windshield ng sasakyan ng suspek habang ang rider naman nito ay tumilapon sa kalsada.
Nagtamo ang mga biktima ng fatal injury na agad dinala sa East Avenue Medical Center ngunit idineklarang dead upon arrival ang rider bandang 4:14 ng madaling araw at tuluyan namang pumanaw ang driver ng motor bandang alas-7:21 ng umaga.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property with Multiple Homicide ang suspek na si Hernandez habang patuloy pa ring iniimbestigahan ang mga naturang aksidente. PAULA ANTOLIN/ RENALENE NERVAL – OJT /PILIPINO Mirror
Comments are closed.