LAGUNA- WALANG kawala sa mga police operatives ang apat na miyembro ng bukas kotse gang na nag-ooperate sa lalawigang ito nang masakote sa kanilang hide-out sa Barangay Uno, Calamba City kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat ng Calamba police station, kinilala ang mga suspek na sina Cesar Arpina, 30- anyos, binata; Gian Centeno, 21-anyos ; Eddie Boy Legaspi, 30-anyos; at isang alias Jensen, menor de edad na spotter ng grupo sa mga sasakyan na bibiktimahin ng mga ito.
Sinabi ni Lt.Col. Randy Glenn Silvio, OIC Laguna police director, ang naturang grupo ang bumibiktima sa mga sasakyan na iniiwan sa labas ng bahay at mga private car na nasa parking area ng mga malls sa 1st at 2nd district ng Laguna.
Ayon sa pulisya, dakong alas-6 umaga kahapon nang madiskubre ng isang nagngangalang Andrew ang nagsumbong sa pulisya hinggil sa mga nawalang gamit sa loob ng kanilang Tamaraw FX na nakaparada sa harap ng kanilang bahay.
Sa tulong ng CCTV footage ng isang kapitbahay agad na nakita ang pagkakakilanlan sa isa sa mga suspek at agad itong dinakip ng mga kagawad ng barangay.
Sa follow operation ng Calamba intel operatives, isa-isang nadakip ang tatlo pang suspek na agad umamin sa iba pang operasyon na kanilang ginawa kung saan mga mamahaling kotse umano ang kanilang tinitira.
Narekober sa apat ang isang sako na naglalaman ng mga personal na gamit ng biktima na aabot sa halagang P100,000.
Nakakulong na sa Calamba city jail ang mga suspek. ARMAN CAMBE