TULUYAN ng mapupuksa ang paghahasik ng lagim ng 4 na miyembro ng umano’y “ipit gang “ at “dura-dura gang” na nambibiktima ng pasahero sa mga istasyon ng tren makaraang maaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD).
Sa ikinasang Intel-driven operation ng MPD, kinilala ang mga suspek na sina Erwin Eluna y Obemio,39,miyembro ng Sputnik Gang; Antonio Tordillo y Bitoy @ Dondon, 44, na unang naaresto noong Marso 11.
Nitong Marso 12, naaresto naman sina Leonard Hernandez y Gamboa,32-anyos, at Arnold Jugar y Zaragosa alyas Ompong/Sugar.
Batay sa ulat ng MPD – Theft and Robbery Section, sa apat na suspek, nadiskubre na si Zamora ay may bench warrant dahil sa paglabag sa Anti-Piracy and Anti-Highway Robbery Law kung saan may inirekomendang piyansa na halagang P120,000 ni Hon.Ofelia L.Calo, Presidign Judge ng RTC Branch 211 ng Mandaluyong City.
Sa imbestigasyon, lumitaw na modus ng mga suspek na harangin ang mga pasahero na pasakay at pababa ng Light Rail Transit (LRT) 1.
Isa sa naging biktima ang civil engineer na si Christian John Romero na nadukutan ng kanyang cellphone matapos siyang ipitin ng dalawang suspek pagsakay sa LRT sa Doroteo Jose Station habang papasok sa kanyang trabaho.
Ayon kay MPD Public Information Office Chief Major Philip Ines, nagpakalat ng operatiba alinsunod sa direktiba na rin ni MPD Director Brig.General Arnold Thomas Ibay sa LRT 1 para mas mabantayan ang mga kawatan.
Nang maaktuhan ng mga operatiba ang modus ng mga suspek, agad silang nilapitan at isa -isang dinampot.
Aminado naman ang mga suspek na pabalik-balik sila sa LRT para mambiktima.
Modus din ng mga suspek na lituhin ang target nilang pasahero kung saan sinasabing mayroong dura o dumi sa iyong paanan saka tityempo habang hinaharangan at may kumukuha ng gamit ng biktima.
Payo ng awtoridad sa mga pasahero, maging alerto at huwag ilagay sa bulsa ang mga gamit tulad ng wallet, cellphone.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa custodial facility ng MPD.
PAUL ROLDAN