4 miyembro ng KFRG bulagta sa PNP

PATAY ang apat na hinihinalang miyembro ng kidnap for ransom group (KFRG) matapos na makipagpalitan ng putok sa pinagsanib na puwersa ng pulisya kahapon ng madaling araw sa Sta. Maria St. Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Batay sa report naganap ang naturang engkuwentro sa pagitan ng mga suspek at mga pulis dakong alas-4:45 ng madaling araw sa Sta. Maria St. Brgy. Holy Spirit, sa nabanggit na lungsod.

Nabatid na bago naganap ang insidente, nagsampa ng reklamo sa AKG ang Chinese national na si Si Li Cheng, 28-anyos kaugnay sa kaibigan nitong si Ang Zhi FU, isa rin Chinese national na sapilitang kinuha ng mga hindi nakikilalang kalalakihan habang nasa harap sila ng UP Town Center.

Masuwerteng nakatakas si Cheng at nasaksihan lamang ang kaibigan na pilit na isinasakay sa isang itim na Toyota Vios na may plate number XCE939. Agad siyang kumuha ng isang Grab taxi at nagpahatid sa tanggapan ng AKG at upang ireport ang naturang insidente.

Habang nagbibigay si Li Cheng ng detalye sa AKG, nakatanggap ito ng isang mensahe mula sa biktima sa pamamagitan ng WeChat na humihingi ng ransom ang mga suspek kapalit ng kanyang paglaya.

Agad na nagsagawa ng negosasyon ang mga awtoridad sa pamamagitan ng wechat kung kaya’t natukoy ng AKG ang lokasyon ng mga suspek nang ipasa kung saan ihahatid ni Cheng ang napagkasunduang P5 million ransom.

Agad na nakipag ugnayan ang grupo ng AKG sa QCPD Police Station 9 at iniulat ang insidente ng pagkidnap sa DSOU ng QCPD para sa pagsasagawa ng operasyon upang mabawi sa biktima sa kamay ng mga suspek.

Nauwi sa engkuwentro ang nasabing operasyon nang kumasa ang mga suspek na nauwi sa matinding sagupaan na nagresulta sa pagkamatay ng mga hinihinalang kidnappers.

Kasalukuyang inaaalam pa ng mga forensic expert ang pagkakikilanlan ng mga suspek habang patuloy ang pagsusuri ng SOCO sa crime scene.

Narekober sa lugar ang ilang baril, hand grenade at umano’y shabu.

Nabatid na ang nasabing grupo ay pinaniniwalaang mga kasamahan ng “Waray-Waray” Group kung saan ay pinagtratrabaho umano ng sindikato ng China. EVELYN GARCIA/ VERLIN RUIZ

Comments are closed.