4 MIYEMBRO NG ORGANIZED CRIME GROUP NASAKOTE

PAMPANGA – NASAKOTE ang apat katao na miyembro ng organized crime group matapos pagnakawan ang isang convenience store sa Brgy. Consuelo sa bayan ng Floridablanca sa lalawigang ito.

Sa report na tinanggap ni Police Region Office III Regional Director PBrig. Gen. Redrico Maranan, kinilala ang mga suspek na sina Tristan Awa Bestoguey, Tom Contade Nadnaden, Harold Bangloy Saqueb at Daniel Dave Tolingan Egsaen, pawang nasa hustong gulang, residente ng Baguio City at Mountain Province.

Base sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, ganap na alas-11:30 ng umaga ng Linggo nang masukol ang mga suspek makaraang makatanggap ng tawag ang PNP dakong alas-10:30 ng umaga kaugnay sa naganap na nakawan.

Sa tulong ng security system agad nadakip si Bestoguey habang nadakip sa hot pursuit ang tatlo pa sa bayan ng Pira.

Narekober mula sa mga suspek ang isang cal. 45 na may limang bala, isang cal. 38 na may tatlong bala, apat na granada, cash na P90,000 at iba’t ibang grocery items, mga kagamitan tulad ng volt cutter, bareta de cabra, isang puting Toyota Fortuner na may plakang CCL-8293.

Nabatid na sangkot din ang mga suspek sa mga nagdaang pagnanakaw sa mga convenience store sa Aliaga at San Jose City, Nueva Ecija.

THONY ARCENAL