4 MIYEMBRO NG PAMILYA NATUSTA,1 SUGATAN SA SUNOG

APAT na miyembro ng pamilya ang namatay habang isa naman ang sugatan sa naganap na sunog Caloocan City nitong Huwebes ng hapon.

Nakuha ang mga sunog na katawan nina Teresita Arevalo, senior citizen; anak na si Ricardo at dalawa pa nilang kaanak na kinilalang sina Cecilia Flores at Margaret Flores mula sa debris ng kanilang bahay sa Kalabawan Compound, Namie St. Brgy. 37.

Habang isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan si Danny Tambungi, residente din sa naturang lugar para magamot ang tinamong sugat nito.

Sa nakarating na report sa opisina ni Caloocan City Fire Director Supt. Roberto Samillano, Jr, dakong alas-12:51 ng hapon nang sumiklab ang hindi pa matukoy na dahilan ng sunog sa bahay ng mga biktima at mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.

Dahil sa mabilis naman na pagresponde ng Caloocan City firefighters at volunteers ay agad napigilan ang pagkalat ng apoy kung saan idineklarang fire out ang sunog dakong ala-1:40 ng hapon.

Sa pahayag ng isang saksi sa arson investigator, tinangka umanong iligtas ni Ricardo ang kanyang ina sa nasusunog nilang bahay subalit, pareho umano silang nakuryente at na-trap sa loob.

Nasa apat na bahay ang nadamay sa sunog kaya’t nawalan ng tirahan ang nasa 15 na pamilya habang inaalam pa kung magkano ang naging pinsala sa ari-arian. EVELYN GARCIA