4 MIYEMBRO NG RESCUE TEAM PATULOY NA PINAGHAHANAP

CAGAYAN- INILUNSAD ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search and rescue mission para sa apat na miyembro ng rescue team nito na sakay ng aluminum boat na lumubog sa karagatan ng Abulug sa lalawigang ito.

Ang apat na PCG rescuers ay nakatakdang magsasagawa ng rescue mission na may 21 nautical miles mula sa Aparri matapos makatanggap ng distress call mula sa mga crew.

Naganap ang insidente habang kalakasan pa ng bagyong Egay kung saan isa sa mga pangunahing apektadong lugar ay ang hilagang bahagi ng Luzon.

Nabatid na nasagupa umano ng nasabing aluminum boat ng PCG ang malakas na hangin at malakas na alon na naging dahilan ng insidente.

Sa isinagawang unang wave ng search and rescue mission nitong Huwebes ng umaga subalit kinailangan itong ipagpatuloy dahil sa masamang kondisyon ng panahon.

Sinabi ng PCG na magpapadala sila ng Coast Guard Aviation Force (CGAF) helicopter sa lugar para tumulong sa isinasagawang search and rescue operation.
EVELYN GARCIA