4 MONDAYS SA DWIZ: KONEK TAMBALANG MAGKUKUYANG

DWIZ

Special Report ni EUNICE CALMA

ISANG napapanahong programa ang napakikinggan sa Todong Lakas DWIZ 882 AM band simula noong Nobyembre 11 na sinundan kahapon,  Nobyembre 18 at sa susunod na mga Lunes na pinamagatang “Konek Tambalang Magku-kuyang”.

Ang nasabing programa na itinataguyod ng brotherhood ng Mason sa pangunguna ni Bro. Feliciano Jojo Narciso, (Chairman & President SCWC KONEK) ay mapakikinggan apat na beses sa isang buwan o tuwing Lunes alas-6:30 haggang alas-8:00 ng gabi.

Sa panayam ng PILIPINO Mirror sa isa sa magiging anchor ng “Konek Tambalang Magkukuyang” na si Bro. Edgar Abalos Cook, sinabi nito na ang layunin nila sa pagbubukas ng komunikasyon sa publiko gamit ang radyo ay makapagserbisyo.

“Ang layunin ng aming programa ay magbigay publiko serbisyo sa pamamagitan ng pagbibigay impormasyon na tatalakay sa usaping negosyo, usaping legal, usaping medikal, payong kalusugan at usaping kinagigiliwan ng mga Filipino,” ayon kay Kuyang Edgar.

Upang mahimay at mailatag nang mabuti at ma­linaw ang impormasyon sa isang topic, hinati ng Magkukuyang ang kanilang tatalakayin at bumuo ng apat na segment para sa apat na araw o schedule of programs kada isang buwan at napili ang araw ng Lunes.

4 SEGMENTS NA PUNO NG KAALAMAN MULA KAY KUYANG

  1. Business Talk – Ang unang Lunes ng buwan ay tatalakay sa negosyo at iba pang maaaring pagkakitaan na magbibigay ng ideya sa mga listener.

Sinabi ng Magkukuyang na mahalaga na may hanapbuhay ang Filipino para sa magandang pamumuhay at makatayo sa mga sarili.

Kaya naman nais nilang maging modelo sa lahat dahilan para ang lahat ng mga miyembro nila ay propesyonal at garantisadong nakatatayo sa buhay dahil may hanapbuhay.

Hindi anila maaari sa kanila ang tambay dahil dapat maging katangian o taglay nila ay resilient, maaaring sandalan, dependable at steady.

Magiging steady lamang ang katangian ng isang tao kung malawak ang kaalaman nito at may hanapbuhay at paraan nila ang pakikipagtalakay sa publiko para magbigay ng inspirasyon sa lahat at maging matatag sa pamumuhay gayundin ang disposisyon.

  1. Trends – Ang ikalawang Lunes ay pag-uusapan ang tungkol sa mga makabagong henerasyon, uso o trending at mga koleksiyon na kinagigiliwan ng mga Filipino.

Nangangahulugan ito na adjustable din ang samahan ng mga Mason at sumasabay sila sa takbo ng panahon, depende sa hinihingi ng pagkakataon upang makaagapay sa pangangailangan ng mga kabataan o makabagong panahon.

  1. Usapang Legal – Ang ikatlong Monday ay tatalakay naman sa usaping legal o serbisyo publiko sa pagpapaunawa sa mga batas upang madagdagan ang kaalaman ng listeners sa kanilang karapatan.

Malaki umanong tulong ang pagbibigay ng impormasyon hinggil sa umiiral na batas sa bansa upang hindi malinlang ang bawat isa at alam ng mga ito kung paano ipagtatanggol ang sarili.

  1. Health Talk – Ang ikaapat na Lunes ay tatalakay sa usaping medikal na magbibigay payo tungkol sa kalusugan.

Sinabi pa ni Kuyang Edgar na bawat segment ay may angkop na anchor na tatalakay halimbawa nito sa usapang negosyo, ang magsasalita ay may karanasan sa nasabing topic, ang tungkol sa batas at legal na usapin ay mga abogado, ang makabagong henerasyon ay ang miyembrong nakaiitindi kung ano ba ang uso ngayon habang ang usaping medikal ay mga dalubhasa sa kalusugan o mga doktor at dentista.

KAIBAHAN NG MASON SA IBANG ORGANISASYON

Matibay na kapatiran at pagkakaisa ang pinagkaiba ng Mason sa iba pang organisasyon.

Sumasalamin ang Mason sa kanilang slogan na charity at humility.

“Ang pagkakaiba naming sa ibang organisasyon ay aming pagkakaisa at pagtutulungan tungo sa matibay na pagkakapatiran,” ayon kay Kuyang Edgar.

Inihayag din ng Magkukuyang  na matagal na at malaganap ang kanilang samahan at sa katunayan ay nabuo ang kanilang grupo noon pang 17th century.

Naniniwala rin ang mga Mason na ang pagiging kasapi ng kanilang kapatiran ay huhubog sa katauhan ng bawat miyembro upang maging mabuti, marangal at respetado sa mata ng tao at Diyos.

KONEK TAMBALANG MAGKUKUYANG SA DWIZ INILUNSAD

Noong Nobyembre 11 ay umarangkada ang press launch para sa programang “Konek Tambalang Magkukuyang sa Todong Lakas DWIZ 882 AM” kung saan mainit silang tinanggap ni ALC Group of Companies Chairman D. Edgard A. Cabangon.

Lumagda rin ng  kontrata si SCWC President Feliciano Jojo Narciso Jr. kay Chairman Cabangon para sa first broadcast ng “Konek Tambalang Magkuku­yang” sa DWIZ 882khz Every Monday 6:30-8:00 pm

Kasama rin sa inagurasyon ng radio program si MW Agapito S. Suan, Jr., ang Grand Master (The Most Worshipful Grand Lodge of the Free and Accepted Masons of the Philippines) upang suportahan ang programa at ang upang maging unang panauhin ng “Konek Tambalang Magkukuyang.”

Si MW Suan ay ika-102 Grand Master of Masons.

Comments are closed.