LAHAT ng mga startup ay ‘di mo basta mailalabas kung ‘di mo naiplanong maigi ang mga nararapat mong napaghandaan. Mula sa capital na kakailanganin mo hanggang sa pagplano ng iyong paglago ay dapat mong mapaghandaan. Narito ang apat na una mong kailangang gawin para matulungan ka sa unang anim na buwan ng startup mo.
#1 Mga Bagay na Pampinansiyal
Pera o capital ang unang pangangailangan na dapat mong pagtuunan ng pansin. Kundi ay mahihirapan kang pagplanuhan ang mga gawain dahil sa budget mo nakasalalay ang estratehiya at mga taktika para umunlad. Kung sa tingin mo ay kukulangin ka sa kapital, tandaan mo ang apat na ‘F’na puwedeng panggalingan ng investment – Family, Friends, Fool (‘yung nabentahan ng ideya mo) at Founders (mga unang partner). Huwag basta uutang sa bangko ng capital kung ‘di ka sigurado sa modelo ng negosyo o ROI mo.
#2 Ang Ideya ng Iyong Negosyo
Maraming aspeto ng pagnenegosyo na puwede mong pag-isipan para magtagumpay. Ngunit nararapat lang na magsimula sa mismong ideya ng negosyo mo. Huwag kang agad magsisimulang isalang ang ideya na iyong ikokonsidera. Masusing pagsasaliksik ang kailangan, mula sa pag-target ng iyong kostumer hanggang sa tinatawag na ‘customer journey’ ang iyong dapat pag-aralan.
#3 Distribusyon
Kung malinaw na ang estratehiya mo sa ideya sa likod ng iyong startup at naiayos mo na ang target custumers mo, ang susunod na aayusin mo at dedesisyunan mo ay ang distribusyon. Online ba o offline ang gagamitin mo – o pareho? Magkaiba ang mga ito. Kaya dapat, masinsin din ang pagsasaliksik kung ano ang aayon sa iyong merkado.
#4 Modelo ng Kita
Saan ka ba kikita sa lahat ng ito? Naisip mo na ba ang iba’t ibang ‘revenue streams’na puwede? Huwag iisa lang ang iisipin mong panggagalingan ng kita. Isipin mo na parang bowling pins ang mga kokonsiderahing panggagalingan ng kita, na ang unang pin – o ang king pin – ay ang maaaring unang panggagalingan ng kita mo. Halimbawa, kung ang unang pagkakakitaan mo ay ang consult-ing habang binubuo mo pa ang teknolohiya na kakailanganin mo, ‘yan ang king pin mo ngayon. Ngunit habang tumatagal, nag-iiba ang panggagalingan ng mas malaking kita. Kaya iibahin mo na rin ang magiging king pin mo.
Masarap na mahirap ang mag-launch ng isang startup. Ngunit may mga kailangan kang pagplanuhang maigi bago magsimula. Maging handa kang mag-adjust ng plano. Huwag maging matigas ang iyong ulo kung ayon sa pananaliksik ay nag-iiba ang modelo ng business mo. Maging open-minded at humanap ng mentor mo para may iba’t ibang perspektibo ka.
***
Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa [email protected] o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.
Comments are closed.