4 NA BAGAY UKOL SA HALAGA NG SEO SA NEGOSYO

homer nievera

SA AKING mga online na negosyo, sinisigurado kong mabilis nakikita ng Google ang aking mga website. Sa katunayan, naging parte na ng pagbuo ko ng mga website ang pagsiguro na nasa unang pahina ng Google makikita ang aking web-sites.

Ano ang ginagawa ko? SEO

#1 Ano ang SEO?

Ang SEO ay Search Engine Optimization. Wala namang katapat ito sa Filipino. Ang gaya ng Google ay ang tawag ay Search Engine. Sa pamamagitan kasi ng Google (at iba pang tulad nito) ay nahahanap (“Search”) mo ang mga patungkol sa iba’t ibang bagay  sa pamamagitan ng plataporma (Engine) na ‘to.

Ang ibig sabihin lang naman ng salitang ‘Optimization’  ay ang pagiging masinsin sa paghahanap. Kaya ang SEO ay isang pa­raan para mas mapabilis ang paghahanap ng mga tao sa internet patungkol sa iyong negosyo.

Gawin mo ‘to: I-search mo (parang TV commercial ni Sen. Serge Osmena) ang pangalan mo sa Internet gamit ang Google. Tingnan mo kung may mga lalabas na impormasyon ukol sa ‘yo. Gawin mo naman ito sa negosyo mo. Tingnan mo kung anong mga bagay-bagay ang makikita mo.

#2 Paano gumagana ang SEO?

Ang mga Search Engine na gaya ng Google ay may programa o plataporma na siyang gumagapang sa lahat ng bagay-bagay na nasa Internet o tinatawag na World Wide Wed (www). Ang tawag sa mga tila pinagagapang na ito ay ‘crawlers’ o ‘spiders’. Itong mga parte ng progama na ito ng mga Search Engine ang siya mismong nangangalap ng mga impormasyon at ini-index sa kanilang servers. Kaya naman madaling naililista ng Search Engine ang mga impormasyon na ito at inaayos ayon sa madalas hanapin ng mga tao sa buong mundo na gumagamit ng mga Search  Engine.

Kaya kung maayos ang pagkakagawa ng SEO mo para sa website  mo, mas mabilis mai-index nang maayos ang ‘keywords’ o key ‘phrases’ na siya namang hinahanap ng mga tao ayon sa tina-type nila sa ‘Search Box’.

#3 Pag-aangkop sa negosyo.

Ang SEO ay isang malakas na paraan ng pag-market sa iyong negosyo. Kailangan mo lang maintindihan kung paano ‘mag-isip’ ang mga tulad ng Google upang magamit mo ang lakas ng mga Search Engine.

Alamin mo muna at iplano ang mga mahahalagang salita na umaayon  sa mga produkto o serbisyo mo. Nabanggit ko ito sa itaan na ‘keywords’ o ‘key phrases’. Ang mga salitang tina-type mo sa Google para humahanp ng mga bagay-bagay sa Internet ay kasama rito. Kung paano ayusin ng Google ito ay ayon sa mga  milyon-milong tao na naghahanap ng mga kaparehong salita. Kung umayon ka rito, kasama ang negosyo mo sa mahahanap.

#4 Paano ka mag-uumpisa.

Dahil kulang ang pitak na ito para mailahad ko ang lahat ukol sa SEO, maaari ko namang unti-untiin ang mga impormasyon. Kaya naman sa pag-uumpisa, ilista mo ang lahat ng sa tingin mo’y mahahalagang salita man o kataga na ginagamit ng mga tao para mahanap ka o ang mga produkto o serbisyo mo sa Internet.

May mga Keyword Analysis Tools na magagamit sa Intenet. Ang Google mismo ay mayroon nito. Pag-aralan mo ang patungkol ditto para maisaayos ang pagpaplano mo.

Sa mga may budget para sa marketing, mayroon din namang ‘Adwords’ ang Google kung saan bibilhin mo sa pamamagitan ng ‘bidding’ ang keywords. At kapag nabili mo na ang mga key word  na ito, sa website o landing page mo pupunta ang mga taong gumamit ng keywords mo. Siyempre, walang forever diyan. Ayon lang sa budget mo kung ilang beses hahanapin ang mga keywords na ito lalabas sa Google at tutungo sa website mo.

Sa susunod na pitak, mas malalim nang kaunti na tips ang ilalahad ko ukol sa paggamit ng SEO Game?



Si Homerun Nievera ay isang technopreneur at consultant sa iba’t  ibang kompanya na may kinalaman sa tech at digital marketing. Kung nais mong makipag-ugnayan, email mo siya [email protected].

Comments are closed.