ANO NGA ba ang Influencer Marketing? At sino ba ang mga tinaguriang Influencer?
Sa panahon ngayon kung saan ang social media ay tila hari ng media, ang paglago ng industriya ng Influencer Marketing ay mabilis na sumunod. Dahil na rin sa salitang Influencer, ang mga taong ito ay may malaking base ng tagasunod o tagasubaybay. Mga 100,000 pataas ang numero kung saan ikaw ay matatawag na influencer.
Narito ang ilang paraan para makatulong sa pagkuha ng mga influencer sa iyong negosyo.
#1 Alamin ang merkadong ginagalawan mo
Umpisahan mong saliksiking mabuti ang merkado at industriya kung saan lumalaban ang produkto o serbisyo mo. Kailangan mo munang alamin kung sino ba talaga ang kostumer mo. Alamin kung anong dialekto ang gamit nila, ano ang lugar kung saan sila madalas pumunta at kung ano-ano pa upang masuyod mo nang maigi ang mga impormasyon ukol sa merkado mo. Ito kasi ang magagamit mo para sa pagpili ng influencer.
#2 Tingnan ang galaw ng kumpetisyon
Sa galaw pa lang ng mga kakumpitensiya mo malalaman kung tama ba ang mga susunod mong hakbang. Halimbawa, sila ba ay may ginagamit na ring influencer? Kung oo, sino ito? Tingnan mo rin ang tipo at kalidad ng mga tagasubaybay ng mga influencer nila. Mahalaga ring malaman ang platapormang gamit nila gaya ng Twitter, Facebook, Youtube o Instagram.
Kapag nakalap mo na ang mga impormasyon na ito, mas makagagawa ka ng istratehiya.
#3 Pagsasaayos ng istratehiya at mensahe
Ang Pagsasaayos ng iyong istratehiya ay kaugnay ng mensaheng ilalabas mo. ‘Di ka kasi maaaring basta-basta lang kukuha ng influencer kung ‘di mo alam ang boses na nais mong gamitin. Babae ba o lalaki? Bata o matanda? ‘Di ba sa mensahe na nais mong iparating, mag-iiba ang influencer na kukunin mo?
Kaya sa umpisa pa lamang ay dapat masinsinan ang pagkakagawa ng estratehiya at mensahe mo.
#4 Pagkuha ng partners
Ang Whalar.com ay isa sa dalawang kompanya sa mundo kung saan nakapaloob ang paggamit nila ng tinaguriang API ng Fa-cebook, Instagram at Snapchat. Dahil dito, madali nilang makuha ang mga istatistika upang malaman ang mga numero ukol sa isang influencer. Malaking bagay ang kompanya na ganito dahil mas mapabubuti ang pagpili sa influencer na naaayon sa target mong resulta. Kaya mahalagang kumuha agad ng matitinong partner para sa kampanya mo.
Kung sa tingin mo naman na kaya mong kumuha ng influencer mo, go lang. Siguraduhin lang na kaya mong rendahan at maku-kuha mo ang mga istatistika nila.
Si Homer Nievera ay isang serial technopreneur at makokontak sa [email protected].
Comments are closed.