ANG daming bumabatikos sa MMDA at sa gobyerno dahil sa lumalalang trapik. Marami tayong angal. Dapat ganito, dapat ganiyan. Subali’t ang hindi natatandaan ng karamihan ay ang nararamdaman natin sa malalang kondisyon ng trapik ay dulot ng apat na dekadang kapabayaan ng mga namahala sa ating bansa.
Hindi tulad ng mga ibang bansa, nagsasagawa sila ng mga impraestruktura upang magbigay solusyon sa mga haharapin nilang problema sa susunod na lima o sampung taon. Kaya naman ang bansa tulad ng Singapore, Japan, South Korea, Hong Kong at sa mga ibang bansa sa Europa at Estados Unidos ay hindi gaanong nahihirapan sa trapik dahil patuloy ang pagsasaayos nila ng mga proyektong impraestruktura batay sa lumalaking populasyon at pangangailangan ng kanilang lipunan. Hindi ganito ang nangyari sa Filipinas.
Sa mga taong may edad 45 pataas, nakaranas sila ng magandang daloy ng trapik sa Metro Manila. Makakarating ka mula QC hanggang Makati sa loob ng 30 minuto. Ngayon mahigit dalawang oras ang gugugulin mo makarating sa Makati mula QC. Ang pagpunta sa Cubao mula Project 6 ay wala pang sampung minuto.
Ngayon, mula Proj. 6 papuntang Cubao ay aabutin ka ng mga 45 minuto. Natatandaan ko pa na humihiram kami ng Betamax tape sa may bandang Ateneo bagama’t nakatira kami noon sa Tandang Sora. Imposible na ngayon ito mangyari.
Sa mga mag-aaral noon, may mga taga-Proj. 6 sa QC na nag-aaral ng hayskul sa San Beda sa may Mendiola. Kung ngayon ito, sigurado ang kanilang magulang ay hindi mag-aambisyon na pag-aralin ang kanilang anak sa San Beda dahil sa trapik. Maghahanap na lang ang kanilang mga magulang ng malapit-lapit na eskuwelahan sa kanilang lugar. Sa mga nasa kolehiyo naman, marami ang nagdo-dormitoryo o condominium na malapit sa kanilang unibersidad o kolehiyo upang mangupahan para hindi mahirapan ang mga estudyante sa matinding trapik.
Alam naman natin lahat na ang tren ang pinaka-epektibong mass land transit system na maaring magdala ng maraming pasahero sa isang biyahe. Ano ang nangyari sa rail system ng ating bansa? Alam ba ninyo na ang Filipinas ang nauna sa paggamit ng tren sa Asya? Bakit napabayaan ang PNR? Ang dating napakalaking Tutuban Station ay kinatay upang gawing isang mall. Mula 1979, mabibilang mo lamang ang mga light rails na nagawa sa Metro Manila. Ang masakit pa rito, karamihan ay kulang ng maintenance kaya naman malimit ang pagkasira ng kanilang mga bagon.
Sa mga sasakyan naman, hinayaan ng mga dating pamahalaan na kumalat ang mga lumang sasakyan mula Japan at Korea na pumasok dito at ibenta bilang second hand. Naging maluwag ang regulasyon ng pagbenta ng motorsiklo sa ating bansa kaya naman nagmistulang parang mga langaw sa lansangan na nakakairita na kadalasan dahil sa mga tinatawag nilang kamote riders.
Ang LTO at LTFRB ng mga nakaraang pamahalaan ay naging maluwag sa pagbibigay ng driver’s license at prangkisa. Maski na walang alam sa traffic rules at signs ay pumapasa sa eksaminasyon nila. Ang mga magaganda at makukulay na jeepney noon na ipinagmamayabang sa ibang bansa ay wala na.
Ang makikita ninyo karamihan ngayon ay ang mga bulok na jeepney na tumututol pa sa modernisasyon. Biruin ninyo may bus operator na may dalawang bus lamang ang pag-aari? Paano nangyari ‘yun?
Ang mga lumang sasakyan ay hinahayaan pa rin na tumakbo sa lansangan kahit ito ay karag-karag na at palaging nasisiraan sa gitna ng kalye. Naging napakadali bumili ng sasakyan subali’t wala naman silang garahe upang ipasok ang mga ito at hindi nakahambalang sa kalsada.
Apat na dekada ng pagiging pasaway. Ngayon ay may ginagawa na ang gobyerno. Maraming mga impraestruktura na ginagawa na hangad ay upang lumuwag ang daloy ng trapik sa Metro Manila. Subali’t matatapos ang mga ito sa tatlo hanggang limang taon pa. Kaya ipasok natin ito sa ating kaisipan. Apat na dekadang kapabayaan sa pagsasaayos ng trapik sa ating bansa. Kaya naman hindi mo ito masosolusyonan nang mabilisan.
Comments are closed.