4 NA MAHAHALAGANG BAGAY NA HUWAG TIPIRIN PARA SA STARTUP SA 2019

homer nievera

ANG MADALAS na unang ginagawa ng mga negosyo o startup para sa unang bugso ng taon ay ang magtipid sa maraming bagay. ‘Di man ito nakasasama, may mga bagay na dapat mong lagyan ng halaga o pagkagastusan.

Ano-ano ba ang mga pangunahing bagay na ‘di dapat tipirin sa pagpasok ng bagong taon?

 #1 Advertising at Promosyon

Nakagugulat ba? Sa totoo lang, ito ang sikreto ng malalaking kompanya na sadyang gumagastos sa unang buwan (Enero) ng taon. Bakit? Kasi lahat ng kalaban ay tahimik. Kaya sinasamantala ang bagay na ito. Una, maraming napamaskuhan ang mga tao – bata man o matanda (nariyan ang Christmas bonus at 13th month!). Malaking pera ang umiikot sa Kapaskuhan at tuwing Enero, maraming sale. Kaya maraming tao ang gumagastos. Ang tanong, kasama ka ba sa una nilang naiisip? Kung ikaw ang nakikita nila sa advertising at promosyon gaya ng sa social media, ikaw ang mas maaalala. At pagdating ng mga susunod na buwan, nauna ka na sa pagpapakilala kasi manipis ang exposure ng mga kalaban. Makes sense,  ‘di ba?

#2 Imahe

Ang imahe o branding mo ay dapat tuloy-tuloy. Kasabay na ito sa advertising mo. Ang payo ko ay ang pagpapalaganap ng content ukol sa negosyo at mga produkto o serbisyo mo sa internet man o sa mga points-of-purchase (tindahan, etc.). Ang estado sa industriya na iyong kinabibilangan ay mahalagang mapagbuti rin sa iyong imahe sa mga ka-industriya mo. Ang pagkakaroon ng ‘thought leadership’ o pagkakaroon ng mataas na pagtingin ay importante sa mga kostumer mo dahil ang pagiging respetado sa industriya ay nagsasabing respetado ang mga produkto at serbisyo mo. Huwag magtipid sa ganitong paraan.

#3 Serbisyo sa Kostumer

Gaya ng lagi kong sinasabi sa mga naunang pitak, huwag kang magtitipid para sa pagpapahalaga sa mga kostumer mo. Kung wala kang bagong kostumer o nababawasan ka ng kostumer, saan pa patungo ang negosyo mo? Palakasin ang website at social media mo na pangunahing pinupuntahan ng mga kostumer para sa pangangailangan, pagtatanong at feedback.

#4 Pagpapahalaga sa mga Tao at Proseso

Dahil mahalaga ang mga tao at proseso sa negos­yo mo, lalo na sa susunod na taon, ‘wag mong titipirin ang ukol dito. Ang pagbalanse sa mga bagay ukol dito ay dapat suriing mabuti. Halimbawa ay ang paggastos sa bagong tekonolohiya o upgrade nito para mas umunlad at bumilis ang mga proseso ay okay na investment. Gaya ng nabanggit ko sa isang pitak ko na ang pagbili ng isang teknolohiya (isang proseso) ay nakatipid naman ako sa pagkuha ng bagong tao. O ang pagtaas sa suweldo ng isang high-performer ay malaking bagay kaysa umalis ito at maghanap na naman ako ng ite-train.

Ilang bagay lang ito na ‘di dapat tipirin sa pagpasok ng bagong taon. Maging masinop pa rin at itaas ang abilidad ng mga tauhan para mas lumago ang 2019.

Tuloy mo lang ang tiwala sa sariling kakayahan at ipagdasal ang negosyo sa lahat ng oras. Ang tagumpay ay nasa kamay mo na.

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa [email protected] o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

Comments are closed.