4 NA MAHAHALAGANG KOMPOSISYON NG DIGITAL MARKETING PLAN PARA SA 2019

homer nievera

ANG akala ng karamihan ay sapat na magkaroon ng Facebook para sa negosyo nila. Pero kapag naisakatuparan na ang taktika ukol dito, malalaman na lang na ‘di sapat ang paggamit nito bilang planong pang-digital.

Ano-ano nga ba ang kailangan mo para mapag­handaan ang digital marketing plan?

#1 Website

Kung wala ka pang website, lagot ka. Oo, ganoon na kahalaga ang pagkakaroon ng website dahil ito ang pinakaunang tinitingnan ng mga kostumer o investor. Ang mga basikong pahina na nilalaman nito ay ang: About Us, Services o Products, Testimonials at Contact Us. ‘Yung iba ay nagdaragdag ng Events Gallery at Blog. Ang mahalaga ay may maayos kang presensiya sa Inter-net sa pamamagitan ng website mo.

#2 SEO

Kung may website ka na, dapat ayusin na agad ang estruktura nito sa paggamit ng SEO o Search Engine Optimization. Ito kasi ang taktika para makita ka o ma-search ka sa Google o iba pang search engines. Dito rin nakikita kung ano ang sinasabi ng iba ukol sa iyo at kung ang kompanya mo ay credible o may awtoridad sa iyong industriya. Kung may website ka na, pumunta ka sa checkmoz.com at ilagay ang website address mo (o url). Makikita mo kung ano ang Domain Authority (DA) ranking mo. Ang rating na 10 ay nagmumungkahing may awtoridad ka kahit paano. Ngunit ang DA ranking na 20 at pataas ay mas may awtoridad na rating sa buong buong mundo. Ang blog ko na Negosentro.com ay may DA na 50, na isa sa pinakamataas na DA ng isang business blog sa Filipinas at sa buong mundo. Pag-aralan ang blog ko na ‘to para may matutunan sa pagpapataas ng DA.

#3 Content Marketing

Ang nilalaman ng lahat ng komunikasyon mo sa digital media ay nakasalalay sa content marketing plan mo. Ang ibig sabihin nito ay balewala ang lahat ng social media, SEO at website mo kung ‘di maa­yos ang timpla ng buong content mo. Ipinahihiwatig kasi ng content mo ang total branding ng negosyo mo lalo na’t nasa digital space ka, mas madaling masilip ng mga kostumer o magiging kostumer mo kung ano ang katayuan ng brand mo. Tandaan lang na dapat consistent ka sa lahat ng content mo o isinusulat man, video o mga litrato na iyong inilalathala sa web. Dapat din, ang content mo ay ‘relatable’ (na tila para sa kanila ang content mo) at ‘engaging’ (na tila sila mismo ang kinakausap) para may pagkakataon silang mag-react. Tandaan na ang puno ng content sa panahon ngayon ay ang paggawa ng maayos na kuwento ng iyong brand.

#4 Social Media

Ang amplification o ang pagpapalawig ng mensahe at content mo ay napapaloob sa social media plan. ‘Di lamang Facebook ang social media. Nariyan ang Instagram, Twitter, Linkedin, Youtube at mga blog. Ang trabaho ng social media ay ang pagkakaroon ng pagkakataon ng kostumer na magbigay ng feedback o saloobin nila sa madali at mabilis na paraan. Kaya ‘wag mong iismolin ang social media na tila one way lamang ang relasyon. ‘Di na ganoon ang komunikas­yon sa digital media. Laging two-way relationship ang peg dito. Kaya unahin mong ayusin ang Facebook mo sa pamamagitan ng pag-link ng Instagram mo rito at pag-ayos ng reply o pagsagot sa Messenger. Mala­king bagay ito kasi mas mabilis kang nakasasagot kahit wala ka sa PC o mobile phone mo.

Mahigit isang buwan na lamang at 2019 na. Panahon na para magplano ng digital marketing mo para maisakatuparan ang paglago ng negosyo. La­ging magsumikap at ipagdasal ang kinabukasan.

Comments are closed.