4 NA MANLOLOKO TIKLO SA PAGBEBENTA NG LUPA

lupa

CALOOCAN CITY – APAT katao ang inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos ang isinagawang entrapment operation laban sa mga ito na nagpapanggap na may-ari ng lupa at ibinebenta sa iba kamakalawa ng hapon.

Ang mga suspek na kasalukuyang nahaharap sa patong-patong na kaso ay nakilalang sina alyas Anna, Mary, Robby te at Jovy, pawang mga nasa hustong gulang at kasalukuyang nakapiit sa detention cell ng CIDG.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, nakatanggap ng reklamo ang pulisya hinggil sa pagpapanggap ng mga suspek na pag-aari nila ang mga lupa sa Camarin area, North Caloocan kung saan ay isang nagngangalang Noel Pagtakhan ang nagsumbong sa mga tauhan ng CIDG.

Agad namang nagsagawa ng entrapment operation ang awtoridad at nang akmang tinatanggap na ng mga suspek ang halagang P550,000 ay agad na inaresto ang mga ito ng mga tauhan ng CIDG.

Napag-alaman pa sa awtoridad, nagpapanggap ang mga suspek na sila ang may-ari ng mga malalaking lupa sa naturang lugar.

Modus ng mga ito na paniwalain ang target na biktimahin.

Kapag may kumagat sa kanilang pain ay agad na pinagbabayad ng malaking halaga ng salapi kapalit ng pekeng titulo ng lupa.

Nanawagan pa ang mga awtoridad sa iba pang nabiktima ng mga suspek na magtungo lamang sa kanilang himpilan upang pormal na makapag-sampa ng kaukulang kaso nang madagdagan ang isasampa laban sa apat na manloloko. EVELYN GARCIA