4 NA PARAAN SA PAMAMAHALA NG FACEBOOK GROUP PARA SA NEGOSYO

homer nievera

KUMUSTA, ka-negosyo? Dahil sa pandemya, nanatili na sa mga kanya-kanyang tahanan ang karamihan sa mga Pinoy, lalo sa NCR kung saan nananatili ang GCQ. Nadagdagan pa ng banta ng bagong strain ng COVID-19 virus na galing sa UK kung saan mula 30% hanggang 70% na mas nakakahawa. Kaya naman mas pinaiigting ang pag-iingat ng mga tao, at patuloy ang pag-work from home ng mga empleyado habang wala pang bakunang dumarating sa Filipinas.

Ang patuloy na solusyon sa marketing ng mga kompanya ay ang digital marketing kung saan kasama ang paggamit ng social media. Sa larangan na ito nabibilang ang tulad ng Facebook kung saan walang halaga ang kailangang ilabas kung gagamitin ito sa pagkuha ng mga kostumer. Subalit para sa akin, ang pangunahing gamit ng Facebook ay ang tinatawag na engagement o pakikipag-ugnayan sa mga kostumer. At ang Facebook ay nahahati sa dalawa — ang Facebook Page at ang Facebook Group. Maaaring alam mo na siguro pagalawin ang FB Page, ‘di ba? Kaya naman sa pagkakataong ito, ang paggamit naman ng Facebook Group ang ating talakayin sa pitak na ito ngayon. O, ano, tara na at matuto!

#1 Pagpapalago ng Komunidad sa Social Media

Ang Facebook Group ay siyang pangunahing gamit upang palaguin ang iyong komunidad sa social media. Maraming nagtatanong sa akin kung paano ba ito gamitin sa larangang ito. Umpisahan muna natin sa pagtingin sa FB Group bilang isang tunay na komunidad kung saan pare-pareho ang inyong iniisip, mungkahi, at galaw. Maaaring isa itong gym, palaruan, mall, palengke, o tambayan. Kung paano ka gagalaw at maikipag-usap sa mga ito, at pati na siyempre ang mga topic na pag-uusapan, ay nandoon din sa Facebook Group na iyong gagawin. Tandaan mo na ang pag-establisa ng isang komunidad ang pangunahing rason ng paggawa ng FB Group mo. Gayundin ang mga gagamiting pananalita, at iba pa, ay naaayon dito. Kaya sa umpisa pa lang ng paggawa ng FB Group, ayusin mo na ang pinaka-tema nito mula sa mismong titulo ng FB Group, ok?

#2 Paggawa ng Malapit na Paikikipag-ugnayan

Dahil nagawa mo na ang mismong FB Group, siguro naman ay napag-isipan mo na kung paano ito payabungin sa pamamagitan ng maayos na pakikipag-ugnayan sa komunidad na ito. Ganito lang ‘yun. Ang bawat miyembro ng isang FB Group ay may ramdam na koneksiyon dito kaya naman sila balik nang balik sa grupong ito. Ano-ano ba ang mga paraan upang maisakatuparan ang pag-set ng malalim na pakikipag-uganayan sa mga miyembro ng FB Group mo?

Una, dapat maayos at akma ang titulo ng FB Group mo sa tema nito. Halimabawa, kung ukol sa pagnenegosyo ng mga damit at tela, dito lang dapat nalalapit ang titulo nito.

Ikalawa, tutok ka lang sa tema ng FB Group mo. Huwag na huwag kang lalayo dito para patuloy na lumago ang miyembro nito.

Ikatlo, gumawa ng mga aktibidad gaya ng mga libreng online seminar para sa mga  ka-miyembro mo. Dapat akma pa rin sa tema. Marami namang mga gawing puwedeng gawin. Ihiwalay mo lang ang pagiging merkado ng iyong grupo kung ‘di naman talaga ganito ang tema ng group. Ikaapat, patatagin ang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa na may pagrespeto sa opinyon ng iba. Mas intelekwal ang mga usapin, mas ok. ‘Yan ay upang tumatag ang kaalaman ng mga miyembro ukol sa mga usaping may kinalaman sa FB Group mo.

#3 I-set ang mga panuntunan sa group

Simpleng gawain lang sana ito. ‘Yun nga lang, ‘di dapat gayahin lang basta-basta ang mga naka-set na ayon sa FB Group. Dapat, iayon mo ito sa mga naiisip mong natatanging panuntunan na dapat sundin. Isang halimbawa ay ang pagsasaayos ko sa isang FB Group na itinayo ko noong magsimula ang mga lockdown noong 2020. Noong panahong iyon, nagkakagulo at nagkakalituhan kung ano ang mga dapat gawin. Kaya naman ang una kong panuntunan ay ang pagkontrol sa mga fake news ukol sa COVID-19.Ikaw rin ay dapat mong gawan ng malinaw na mga panuntunan ang iyong FB Group na susundan ng mga miyembro. At kung ‘di sumusunod ang isang miyembro nang paulit-ulit, may mga opsiyon ka namang puwedeng gawin mula sa pag-mute nito hanggang sa pag-alis na mismo nito.

#4 Gawing masigla ang mga usapin sa FB Group

Paano ba gawing masigla ang mga usapin sa iyong FB Group? Babalikan muna natin ang intensiyon mo sa pagbuo ng FB Group mo. ‘Di ba dapat para mas lumago ang iyong negosyo? Kung ganoon, mas mainam na ang mga usapin ninyo ay umiikot sa produkto, serbisyo o karatig na tema nito. Isang halimbawa ay ang mag-establisa ko ng isang grupo para sa aking Negosentro.com na blog. May kinalaman ito sa pagnenegosyo, ‘di ba? Kaya naman bumuo muna ako ng isang group para maging isang merkado, Negosentro – Buy and Sell Legit Items ang tema at titulo.  Ang isang FB Group na aking nais itayo naman ay may kinalaman sa pagiging positibo at matagumpay sa pagnenegosyo. Dito ko nais ikiling ang tema ng susunod kong FB Group.Tandaan mo na nais ng mga ka-miyembro mo ang margining din ang kanilang mga opinion at mungkahi. Gawing bukas sa mga mungkahi ang iyong FB Group. Tutal, may mga panuntunan ka naman, kaya maisasaayos mo ang mga usapin dito. Piliin mo rin ang mga tanong na dapat mong i-post paminsan-minsan upang magkaroon ng engagement (o pakikipag-ugnayan) ang mga miyembro. Puwede ka ring maglabas ng polls, o mag-share ng mga files sa mga ka-miyembro.

Konklusyon

Ang pagkakaroon ng FB Group para sa iyong negosyo ay magandang istratehiya upang makipag-ugnayan sa mga kostumer na sana ay mga miyembro na rin nito. Kung mga magiging kostumer mo pa lang sila, magandang paraan ito upang magkaroon ng usapin ukol sa produkto o serbisyo na iyong ibinebenta. Ang pagnenegosyo man ay mahirap, ngunit ito ang paraan upang mas lumago ang paghahanapbuhay na ikaw ang boss. Maging masipag, masinop at magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, at mabibiyayaan ka ng tagumpay.



Si Homer ay isang techpreneur at makokontak sa email na [email protected].

Comments are closed.