4 NA RASON BAKIT MAHALAGA ANG BRANDING SA NEGOSYO

homer nievera

MADALAS mong naririnig ang salitang ‘brand’. Madalas ding napagkakamalang magkapareho ang mga salitang brand at product (o produkto).

Ang brand ng isang produkto mo ay siyang nakikilala sa merkado, maliban na lang kung ang produkto mo ang pinakauna sa kategorya o industriya nito. Gaya ng Colgate na naging katapat na ng salitang toothpaste. Gayundin ang Gasul na naging katapat ng LPG. Sila kasi ang ilan lang na nauna sa ganoong klase ng mga produkto noon. Kaya naman sa madaling salita, ang isang brand ang nakalagay sa label ng produkto.

Bakit nga ba mahalaga ang branding? Tara, talakayin natin.

#1 Kailangan ng mapagkikilanlan ang produkto o serbisyo mo

Higit pa sa logo mo ang branding sa negosyo mo. Ang akala kasi ng karamihang negosyante, kung may kakaiba at natatanging disenyo ang logo mo, ok ka na. Hindi po ganoon iyon. Sa kabilang banda, ang ‘katauhan’ ng iyong logo ang mas mahalaga sa mga kostumer.

Tanungin mo ang iyong sarili kung anong katauhan ang pumapalibot sa brand mo. Ito kasi ang pagkikilanlan ng negosyo mo. Pag-isipan ang katauhan ng brand na Jollibee sa pamamagitan ng mascot at logo nito. Ano ba ang sinisimbolo ng mga ito?

#2 Simbolo ba ng tiwala ang iyong brand?

Ang mga malalaking pribadong ospital sa Filipinas ay madalas na may mga simbolo na may kasamang krus at kulay na puti. Bakit nga ba? Dahil ang mga sinisimbolo nito ay tiwala.

Mahalaga kasi sa mga kostumer ang mga brand na sumisimbolo sa kanilang pagtitiwala na maayos o magaling o mabisa ang produktong ibinebenta mo. Pinaghirapan kasi nila ang perang ipambabayad sa ‘yo kaya importante ang pagkumbinse sa kanila na maayos at katiwa-tiwala ang produkto mo.

Kaya naman sa lahat ng bagay na sisimbolo sa brand mo, saliksiking mabuti kung lalabas ang pagtitiwala ng mga kostumer mo.

#3 Sino o ano ang maaalala ng mga kostumer mo?

Natanong mo na ba sarili mo kung bakit may mga kinukuhang mabibigat na endorser ang mga produkto ng mga malalaking kompanya? Bakit ang daming ine-endorso ang mga tulad ni Sen. Manny Pacquiao?

Bukod sa tiwala na maaaring dala nila, ang kredibilidad nilang ‘mailako’ ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng ‘brand recall’. Ang ‘brand recall’ ay nangangahulugang naididikit nila ang brand mo sa endorser kaya mas mabilis maalala ang brand mo ng mga kostumer.

‘Di naman ganoon kasimple lang ‘yun ha. May kasamang pagsasaliksik din ang pagkuha ng mga endorser. ‘Di kasi lahat ng endorser na sikat ay naaayon sa personalidad ng brand mo. Maging masinop sa bagay na ito.

#4 Motibasyon sa mga empleyado ang dala ng tamang branding

Ang maaaring dala na motibasyon sa mga empleyado mo ay isa ring rason kung bakit mahalaga ang branding. Bakit ba ang daming nais magtrabaho sa mga tulad ng San Miguel, BPI, Google at Facebook? Bukod sa maaaring magandang suweldo o benepisyo, ang ‘bragging rights’ ay mahalaga, lalo na sa mga milenyal.   Ang pagtatrabaho rin sa mga katulad nitong kompanya ay makatutulong sa mga susunod pang trabaho nila.

Ganyan kahalaga ang branding sa motibasyon ng mga empleyado. Kung nagsisimula ka pa lang na negos­yo, isama mo ang ilang empleyado mo sa pagsasalarawan ng iyong branding. Sila rin kasi ang unang tuulong upang mapalaganap ito na ibebenepisyo ng buong kompanya.

Ikaw, ano ang branding mo sa sarili mo?

o0o

Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag-email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito [email protected].

Comments are closed.