4 NA SUSPEK SA PANUNUNOG NG MODERN JEEPNEY NASAKOTE

QUEZON – NASAKOTE ng mga awtoridad ang apat na suspek sa panununog umano ng modern jeepney na naganap kamakalawa sa Catanauan.

Kinilala ni Area Police Command – Southern Luzon (APC-SL) Director Police Lt. Gen. Rhoderick Armamento ang mga naarestong suspek nakilalang sina: Ernesto Toriado Orcine, Noel Cervantes Mariano, Dominic Valerio Ramos, at Jade Francis Cabales Castro.

Ayon kay Armamento, naaresto ang apat sa follow up operation ng mga pulis sa Mulanay, Quezon, kahapon; matapos na makatanggap ng impormasyon na nag check-in ang mga suspek sa isang resort sa Brgy Butanyog, sa naturang bayan.

Natagpuan sa lugar ang pulang sasakyan na ginamit ng mga suspek na getaway vehicle.

Ayon kay Armamento, away sa pagitan ng Modern Jeepney Coop at Local Transport Group ang siyang pangunahing dahilan sa panununog.

Ang naturang mga suspek ay nakatakdang sampahan ng kasong arson sa Office of the Provincial Prosecutor sa Catanauan , Quezon.
EVELYN GARCIA