‘DI naman lahat ng araw ay nakaaangat ka. May mga panahong tila palubog na ang negosyo mong pinaghirapan at gulong-gulo ka sa nararapat na gawin. Narito ang apat na paraan para maisalba kung ano ang mayroon pa sa negosyo mo.
#1 Bisitahing muli ang Istratehiya
Kung tila ‘di na gumagana ang unang mga istratehiya, panahon na para bisitahin ito at baguhin kung ano ang nararapat. Huwag maging matigas ang ulo kung mayroon na palang signos na nagsasabing kailangan nang magbago ng plano.
#2 Iwasang magdesisyon kung stressed ka
Ang taong stressed ay wala sa tamang pag-iisip. Lalo na kung magdedesisyon ng mahahalagang bagay. Magpahinga ka muna. Matulog nang maayos at kumain nang tama. Mag-meditate ka. Magdasal. Tapos, balikan mo ang mga plano at kumausap ng mga tauhan. Doon ka maghandang magdesisyon.
#3 Konsultahin ang mga tauhan
Ang unang kinakausap sa negosyo ay ang mga taong may kinalaman dito gaya ng iyong mga tauhan. Kung may mga supervisor o manager ka, sila ang una mong kukunan ng report at rekomendasyon. Maigi rin ‘yung kakausapin mo ang mga tauhan sa baba o sa frontline. Sumama ka sa merkado, kung mayroon kang sales setup. Ipagsama-sama mo ang mga datos dito at ianalisa.
#4 Humingi ng tulong
Tunay namang ‘di mo kayang gawin ang lahat. Kailangan mo ring humingi ng tulong mula sa mga taong may kinalaman sa negosyo mo. Kung may bangko kang pinagkakautangan, kausapin silang mai-restructure ang loans mo. Kumausap ng mga consultant, kaibigan at kapamilya. Piliin nga lang ang kakausapin mo dahil sa totoo lang ‘di lahat ay concerned sa ‘yo.
‘Di naman kaagad lulubog ang isang negosyo lalo na kung maaga mo itong naramdaman. Maging maagap. Umaksiyon kaagad habang matino pa ang isipan at puso mo. Magdasal ka para sa wisdom at discernment.
Kung marami ka pang tanong ukol sa pitak na ito, puwede namang mag-email lang sa akin o kontakin ako sa FB page ko na nakasulat sa ibaba. Mag-aral at magtiyaga para lumago ang buhay. Gabayan ka nawa ng Diyos.
oOo
Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa [email protected] o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.