4 NA TIPS PARA MAPAGANDA ANG REPUTASYON NG NEGOSYO MO

homer nievera

HINDI madaling magpaganda ng reputas­yon ng negosyo mo sa mga panahong ito ng social media. Masyadong maraming puwedeng  sabihin ngunit ‘di kaagad na maniniwala ang mga makababasa o makaririnig ng mga ito. At ‘di dahil marami kang followers sa social media ay ibig sabihin, kaya mo nang palawigin ang isang magandang reputasyon. Ngunit may mga tips (o hacks) na ibabahagi ko sa inyo lalo na’t maliit lang ang bisnes mo at walang badget para sa PR.

#1 Kawanggawa

Simple lang ito at ‘di naman talaga kailangan ng budget na pera. Kasi maraming volunteer ang kaila­ngan ng oras at talent. ‘Yung mga ganitong bagay ay madaling ayusin para mailagay sa social media. Kadalasan, ang mga malalaking kawanggawa ay nailalat­hala rin sa diyaryo o kaya’y lumalabas sa TV. Mas mainam din kung opisyal ka sa mga organisasyong may kawanggawa dahil sa pagkakataong mainterbyu. Ang tip ko dito ay simple rin – magpakatotoo ka. Alam ng mga tao kung puro ka lang PR.

#2 Expertise

Sa ingles, ang tawag namin dito ay ‘Thought Leadership’.  Isa itong pagkakataon na naipamamalas mo ang galing mo sa isang bagay na may kinalaman sa negosyo mo. Isang halimbawa ay ang pagiging madalas na pagka-speaker o trainer ko sa larangan ng digital at social media. Oo, may negosyo akong may kinalaman sa mga ito. Ngunit ang pagbibigay ko ng mga talk sa larangang ito ay repleksiyon ng expertise din ng kompanya ko. Nakikilala nila ako sa husay sa aking larangan kaya naman nagiging repleksiyon ito ng husay ng kompanya  ko.

#3 Tulong sa Komunidad

Lalo na’t nasa isang komunidad ang negosyo mo, mas mainam na nakikita kang tumutulong dito. Ha­limbawa, kung sa PPCRV ka boluntir kung eleksiyon, nakikilala nila ang pagiging makabayan mo. O kung sa simbahan ka nagsisilbi, nakikilala nila ang maa­aring integridad mo. Mukhang simple itong paraan na ito pero mahirap din dahil puwede ring bumaligtad ang dating sa mga tao. Baka nga humingi ng libreng serbisyo ang isang kasamahan, bilang halimbawa. Ang mahalaga ay umikot ka sa komunidad mo at tumulong. Maganda na sa negosyo, maganda rin sa puso mo.

#4 Laging Unahin ang Empleyado at Kostumer

Kung paano ka magtrato ng empleyado at kostumer, ganoon din ang tingin ng ibang tao sa’yo bilang may-ari. Kaya magpakabait ka’t magpakatotoo sa lahat ng tao. Ang pakikitungo mo sa iba ang  pinakamahalagang hack na magagawa mo para lumawig ang  reputasyon ng negosyo mo.

Isang halimbawa ay ang sulat ng isang kilalang pribadong kompanya ng mga columbarium at libi­ngan sa south ng Metro Manila sa kanilang mga kos­tumer. Kamakailan, nagpadala sila ng sulat sa mga kostumer na madadagdagan ng limang beses ang babayaran nila na ‘fees’ para sa pag-maintain ng lugar dahil kukulangin daw ang pondo nila sa mga dara­ting na panahon. Ang repleksiyon nito sa kanila ay ang maling pamamalakad at ang magbabayad ay ang mga kostumer na wala namang kinalaman sa pamamalakad na ito. Ang mas masama pa rito ay ang karamihan sa kostumer nila ay matatanda na at walang kapasidad na bayaran ito. Ang sagot nila – bayaran na lang ng mga kamag-anak ang dagdag na fees dahil hindi raw maililibing o mailalagak ang abo nito (kapag kolumbaryum ang kinuha) kung ‘di makakabayad. ‘Yun lang, kilala sa lipunan at sa pagnenegosyo ang pamilya ng nasabing negosyo. Repleksiyon din sa kanila itong insidenteng ito. Simpleng sulat. Malaking impak sa reputasyon, ‘di ba?

Sa bawat negosyo, kailangan ng magandang reputasyon. Iwasanang puro PR lamang. Maging mabu­ting tao at negosyante, at maganda ang balik nito sa negosyo mo.

oOo

Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulong palawigin ang kaalaman sa Internet at teknolohiya para maiangat ang kabuhayan ng mga Filipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe sa [email protected] o hanapin siya sa Facebook.com/thepositivevibespage.

Comments are closed.