ANG isang malakas na negosyo ay nakatayo sa maayos na komunikasyon sa loob mismo ng opisina. Kung mahina ang komunikasyon, watak-watak ang organisasyon, bagsak ang negosyo. Kaya kung nasa tama ang pagsasaayos ng komunikasyon ng mga tauhan at boss, siguradong mabilis ang pag-angat ng negosyo mo. Narito ang ilang tips:
#1 Ayusin ang mga panuntunan sa pagiging bukas sa komunikasyon
Kung ‘di mo mapanatiling bukas ang linya ng komunikasyon dahil na rin sa mga maling panuntunan sa opisina at negosyo mo, sa una pa lang, ‘di na magiging maayos ang nais mong ipatupad. Ang kasabihang “bukas ang aking pintuan” na madalas na wika ng mga boss ay ‘di na masyadong ipina-tutupad. Kaya kung ang pakiramdam ng mga empleyado ay ‘di na sila pakikinggan sa unang pagkakataon pa lang, ‘di na sila tuluyang magsasalita. Kung anuman ang mga ideya na sana ay kanilang maimumungkahi, ‘di na ito masasabi pa. Sayang naman.
Ang pagkakaroon din ng ‘reward system’ sa mga idea na iminumungkahi ay maarari mo ring ipatupad. Madalas, ginagawa ito ng mga malalaking kompanya. Bakit ‘di mo kaya subukan naman sa negosyo mo?
#2 Madalas na miting
Kahit gaano ka-busy ang mga tao, ang pagkakaroon ng madalas na miting ay importante. Ang simpleng isang beses kada linggo na miting ay malaki ang naidudulot sa organisasyon.
Sa katunyan, nangyari na ito sa akin nang iniwan ko sa isang head ko ang pakikipagmiting sa mga tao. ‘Di na niya pala nai-miting ang sales team kaya ayun, isang buwan pa lang, bumaba na agad ang benta.
Tandaan na ang madalas na pagmimiting ay pagkakataon ding maibaba o maiakyat ang anumang mga mungkahi ng mga tao.
#3 Gumamit ng teknolohiya sa pagmimiting
Alam ko namang mahirap ngayon makakuha ng 100 porsiyentong dadalo sa mga miting sa maraming dahilan. Ngunit may mga apps na ngayon na nagagamit namin lalo pa’t may organisasyon akong lahat ay ‘work-from-home’ na.
Ang paggamit namin ng Zoom, Skype, WhatsUp, Viber at Messenger ay malaking bagay sa aming komunikasyon at sa larangan ng pagmimiting.
Wala nang dahilan na ‘di makipagmiting, saan ka man naroroon.
#4 Bonding time
Ang pagkakaroon ng mga team building, retreat, outing at iba pa ay ‘di lamang pagkakaroon ng pahinga kundi ang pagkakaroon ng pagkakataong magsama-sama at mag-usap-usap sa mas maluwag na pamamaraan. ‘Di naman kailangang maging mamahalin ang lugar. Ang mahalaga ay sa labas ito ng regular na opisina.
Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng pagkakataong makilala ang isa’t isa sa labas ng opisina at magkaroon ng pag-uusap sa interes ng iba maliban sa negosyong ginagalawan.
Ang sandigan ng isang matatag na negosyo ay komunikasyon sa loob at labas ng organisasyon. Bilang boss o manager, dapat isaisip ang halaga ng komunikasyon habang maaga pa.
o0o
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected].
Comments are closed.