MADALAS kong nababanggit ang content marketing sa mga naunang pitak ko, lalo na patungkol sa digital media. Ang content marketing ay mahalagang parte ng lahat ng gawain mo sa digital marketing dahil ito ang pinakapundasyon ng postings sa social media man o sa website o blogs.
Narito ang apat na tips na dapat mong pahalagahan sa mga istratehiya mo pang digital sa susunod na taon. Tara!
#1 Maayos na Goals
Ang pagkakaroon ng tamang panukat sa iyong nais patunguhan ay mahalaga sa lahat ng bagay lalo na sa content marketing. Alam mo dapat ang nais mong makamit. Halimbawa ay nais mo bang makaabot ang mensahe o pagkakakilala sa’yo ng 100,000 na tao? Ano ang pagkakakilalang nais mo? Kailan mo dapat maabot ang goal na ito? Ganyan dapat. Huwag ‘yung malawak na goal. Dapat, ispesipiko, may numero at petsa ang goals mo. Siyempre, dapat naman ay kapani-paniwala ito at ‘di suntok lang sa buwan.
#2 Malinaw na Target Customer
‘Di mo dapat sasabihing lahat ng tao ay nais mong maging customer. Maging ispesipiko rin sa bagay na ito. Huwag shotgun ang approach kundi maging sniper. ‘Yung mas masinsin, mas mabuti. Kahit malaki pa ang badyet mo, magsimula sa maliit at palawakan mula rito. Makikita mo na ang maliit na target na customer ay komplikado rin pala. Maging masinop sa larangan na ito, ok?
#3 Malawak na Mix ng Content
Ang pagkakaroon ng malawak na mix ng mga content ay importante sa content marketing na istratehiya. Huwag puro hugot sa Facebook o Instagram. Gumamit ng artikulo, video, infographics, white papers, podcast at iba pang sandatang digital. Ang paggamit ng mga artikulo na patungkol sa paggamit o benepisyo ng iyong produkto o serbisyo ay malayo ang itatakbo (mileage). Tingnan din ang ginagawa ng iba na matagumpay para sa kanila. ‘Di naman kailangang gayahin. Sa halip, mas palawigin pa.
#4 May Halaga sa Bawat Gawaing Content
Gaya ng sinabi ko sa #3 na mga banepisyo ng produkto o serbisyo, ang importante ay ‘di puro pagbebenta (sales pitch!) lagi ang nilalaman ng mga content mo. Dapat ay may napupulot ang customer. Maaaring maging katawa-tawa ang video mo pero naaalala ka naman sa magandang paraan. Kung may kaugnayan sa isang malaking balita, na ang produkto o serbisyo ay makatutulong, idikit mo sa isyung ito. Sa dulo, dapat may halaga ka sa buhay nila. Huwag puro diretsong pagbebenta ang pagtuunan ng marketing mo. Magbigay ng mahahalagang impormasyon at benepisyo. Libre nga ang impormasyon pero maididikit naman sa negosyo mo. Ganyan ang content marketing – simple pero rock!
Ituloy mo lang ang tiwala sa sariling kakayahan at ipagdasal ang negosyo sa lahat ng oras. Ang tagumpay ay nasa kamay mo na.
o0o
Si Homer Nievera ay isang digital transformator at founder ng Negosentro.com na tumutulongpalawigin ang kaalaman sa Inter-net at teknolohiyapara maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino. Kung may katanungan, magpadala ng mensahe [email protected] o hanapin siya saFacebook.com/thepositivevibespage.
Comments are closed.