ANG pagba-budget ng pera ay ‘di lamang para sa mga may pera, kundi lalo na sa mga nais magkapera. Ang pagsisimula sa gawaing ito ay ang pagsasagawa nito ng paulit-ulit para maging bahagi na siya ng iyong pamumuhay — may negosyo ka man ngayon o nais mong magkaroon sa hinaharap.
Narito ang ilang tips na kayang-kaya mong simulan ngayong 2019.
#1 Emergency Fund
Ang pondo na ito ay nagkakahalaga ng mula tatlo hanggang anim na buwan ng buwanang gastuin mo sa kasalukuyan. Ang pondong ito ay makatutulong na umiwas sa pagkakautang o paggamit ng iba pang ipon.
Ang suhestiyon ko ay humanap ka ng sarili mong ‘52-week savings plan’ o minsa’y tinatawag na ‘52-week challenge’. Dito, nagtatabi ka ng lingguhang halaga na iniipon mo lang para sa mga emergency na gastusin. Magsimula ka sa halagang kaya mo gaya ng 100 piso linggo-linggo.
#2 Porsiyentuhang Ipon
Ang paggamit ng porsiyentuhang ipon ay kaugalian ng mga Taipan sa negosyo. Ang mga tulad ni Lance Gokongwei ng JG Summit Group ay napabalitang nagtatabi ng 50 porsiyento ng kanyang personal na kita. Kapag isinuma mo ito, tiyak na malaking halaga ito lalo na’t kasama ang anumang interes sa bangko o investment.
Magsimula ka sa 10 percent ng suweldo, at paakyat sa 20 percent. Ilagak muna sa bangko bago magdesisyon ng kung anong investment o funds ang paglalagakan mo para lalong lumaki.
#3 Planong Pinansiyal
Kung ‘di ka bihasa sa pagpaplano ng budget o anumang may kinalaman sa kaperahan, kumonsulta sa isang financial planner. Madalas, mga nagbebenta ng insurance ang makakausap mo. Pero bukod sa kanila, may mga financial planner na sakop ang iba’t ibang instrumentong pinansiyal mula sa stocks, mutual funds, insurance, HMO at iba pa.
Ang mahalaga ay malaman mo ang tamang gawain na babagay sa lifestyle at sa uri ng negosyo o trabaho mo. Ang tips nila ay makatutulong sa pagbuo ng tamang plano sa pag-budget at pag-iipon mo.
#4 Multiple Streams of Income
Ang pagkakaroon ng pagkukunan ng pondo ay ang pinakamahalagang aspeto ng pag-budget. Kung walang panggagalingan ng pondo, wala kang iba-budget, ‘di ba?
Sa bagay na ito, mahalagang magsaliksik ng pagkukunan ng extra income mula sa iba’t ibang kaparaanan. Isipin mo na ang pera ay parang tubig at ang instrument mo sa pagkuha ng pera ay ang gripo. Kung marami kang gripong nakabukas, mas maraming panggagalingan ng pondo. Kahit magkano, basta naipon, malaki ito sa dulo.
Sa tamang pag-budget, importante na naka-record ang lahat ng gastusin at pondo. ‘Di mo malalaman ang balanse ng pera mo kung ‘di mo inire-record ang mga ito – debit at credit lang ok na.Marami rin namang mobile apps para rito. Download ka lang sa phone mo at magsimula ka na agad.
Nawa’y lumago ka pa sa 2019 para marami kang matulungan. Happy New Year!
oOo
Si Homer Nievera ay isang serial technopreneur. Kung may katanungan, mag email sa kanya sa [email protected].
Comments are closed.