ARESTADO ang apat na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos makupiskahan ng baril, granada at higit sa P.2 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-10:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt/ Deo Cabildo ng buy-bust operation sa Phase 9 Package 8, Blk 86, Lot 2, Bagong Silang.
Isang undercover police na nagpanggap na buyer ang nagawang makapagtransaksiyon ng P7,500 halaga ng shabu sa kanilang target na si Enrico Nolasco, 24-anyos at Genesis Bolanos, 27-anyos, kapwa ng Bagong Silang.
Matapos iabot ng mga suspek ang isang medium plastic sachet ng shabu sa pulis-buyer kapalit ng marked money ay agad silang dinamba ng mga operatiba at nakumpiska sa mga ito ang 15 gramo ng shabu na nasa P102,000 ang halaga, buy-bust money, isang revolver na kargado ng limang bala at isang granada.
Bandang alas-11 naman ng gabi nang masakote rin ng mga operatiba ng SDEU si Ferdinand Ortega, 45-anyos, tricycle driver ng Victoria St. Brgy. 66 matapos bentahan ng P6,200 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa buy-bust operation sa 10th Avenue, Bulacan St. Brgy. 67, kasama si Armando Lazaro, 56-anyos na umiskor umano ng isang plastic sachet ng shabu kay Ortega.
Nerekober kay Ortega ang 15 gramo din ng shabu na tinatayang nasa P102,000 ang halaga at buy-bust money. EVELYN GARCIA
Comments are closed.