4 NASAWI SA SUNOG SA BARKO

barko

CAMP AGUINALDO – UMAKYAT na sa apat ang nasawi sa pagkasunog ng MV Lite Ferry 16 habang kinukumpirma pa ang tunay na bilang ng mga nawawala na umano’y ibinase sa listahang nasa manifesto ng barko.

Nabatid na pansamantalang itinigil ng Philippine Coast Guard at Disaster Risk Reduction Management Office ng Dapitan City ang search and rescue operations sa mga sinasabimg missing passenger ng nasunog na Lite Ferry 16.

Ito ay kahit hindi pa tiyak kung may mga nawawala pang pasahero.

Bigo nang makontak ang PCG sa dapitan hinggil sa tunay na bilang ng mga nawawala at aktuwal na pasahero ng barko matapos na lumitaw sa mga ulat na aabot sa 200 ang na- ­rescue na pasahero habang nasa 137 lamang ang nasa manifesto.

Nabatid na apat na ang naitalang nasawi kabilang ang 2-anyos na bata nang lamunin ng apoy ang MV Lite Ferry 16 ilang kilometro na lamang bago sapitin ang Port of Dapitan noong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Danilo Gomez, 55-anyos, at  Chloe Labisig, at ang ikatlong biktima ay si Ronald G. Heneral na nakitang palutang-lutang ng mga mangingisda at dinala sa Selinog Island kasama ang isang hindi pa nakikilalang bangkay.

Sa manifesto may 111 pasahero ng barko ang nailigtas bukod pa sa may 30 tripulante nito habang 39 pa ang nawawala.

Una rito inihayag ni Lieutenant Junior Grade Cherry Rose Manaay, commander ng  Philippine Coast Guard-Zamboanga del Norte Station, na may 150 passengers ang  MV Lite Ferry 16 at may 37 crews ang barko nang umalis ito sa Cebu.

Samantala, si Manaay ang itinalagang tagapagsalita ng binuong  Task Force Lite Ferry 16 na siyang nag-sisiyasat sa insidente. VERLIN RUIZ

Comments are closed.