4 OFWs PINARANGALAN SA TAIWAN

Sec Silvestre Bello III-2

APAT na Overseas Filipino Workers (OFWs) ang pinarangalan bilang modelong empleyado sa bansang Taiwan.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ipinagmamalaki ng Filipinas ang parangal na iginawad ng Taiwanese Textile and Weaving Industry sa mga OFW na nagpapakita ng kagalingan sa merkado ng paggawa.

“We share the honor for their achievements. Their fete makes the Filipino nation even more proud,” ani Bello.

Sa ulat ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ng Taiwan, napili sina Leonor B. Lubo, Kevin Jay C. Fillon, Raquel F. Dacusin, at Arniel S. Felizarta dahil sa kanilang kasipagan at mahusay na pagtatrabaho.

Kasama ng OFWs ang mga Taiwanese at iba pang manggagawa mula sa ibang bansa na nakatanggap ng parehong parangal.

Ayon sa POLO-Taipei , isinaalang-alang sa pagpili ng katangi-tanging manggagawa ang oras ng kanilang pagpasok sa trabaho, pagiging masunurin at kakayahan sa pakikipag-usap.

Binati at iginawad ni Yai-Ming Zhang, chairman of the Executive Director Board ng Taiwan Silk and Filament Weaving Industrial Association (TSFA) ang parangal sa mga katangi-tanging mang­gagawa.

Gayundin, pinagkalooban ni POLO-Taipei Labor Attaché Cesar Chavez, Jr ng cash award ang mga pinarangalang Filipino.

Ang nasabing parangal ay isinasagawa taon-taon ng TSFA, isang non-government organization upang himukin ang mga manggagawa na maitaas pa ang kanilang kasanayan at maging inspirasyon para mas paghusayin ang kalidad ng kanilang pagtatrabaho.

Kaugnay nito, mayroong 77 OFWs na nagtatrabaho sa iba’t ibang kompanya sa Taichung, Taiwan ang nagtapos ng kursong Baking at Photography.

Ayon kay Labor Attaché Fidel Macauyag ng POLO-Taichung, ang pagsasanay ay isinagawa ng POLO-OWWA sa pakikipagtulungan ng Darwitz, isang Taiwan Manpower Agency at ng dalawang Filipino volunteer-trainer.

Ipinaalam din ni Macauyag sa mga OFW ang kanilang karapatan sa paggawa at pinaalalahanan na patuloy na sundin ang health and safety protocol laban sa COVID-19. LIZA SORIANO

Comments are closed.