IKINATUWA ni San Jose del Monte City Rep. Florida Robes at San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes ang resulta ng plebisito sa lungsod na ito para magtatag ng apat pang barangay sa lungsod.
Sinabi ni Robes, tagapangulo ng House committee on good government na ang pagtatatag ng apat na barangay ay nagbibigay ng mas magandang serbisyo para sa mamamayan.
“This is a step towards development in terms of delivery of basic services to the newly formed barangays,” ayon kay Robes.
Ang Commision on Elections (Comelec) noong nakaraang linggo ay nagsagawa ng plebisito sa 43,771 rehistradong botante sa Barangay Muzon kung saan 13,322 ang bumoto o 30.44 voter turnout.
Sa 13,322 na botante, 12,324 o 92.51 porsyento ang bumoto ng ‘Oo’ upang hatiin ang barangay sa apat, ang Barangay Muzon Proper, Barangay Muzon East, Barangay Muzon West, at Barangay Muzon South. 969 o 7.27 porsyento lamang ang bumoto ng “Hindi.”
Ang Barangay Muzon, noong 2020 ay may populasyon na 127,506.
“Mas mabuti ito sa taumbayan dahil liliit yung nasasakupan ng maglilingkod sa kanila.Ibig sabihin, dati isang kapitan lang sa ganoong kalaking populasyon, sa ganun kalakaing lugar…eh ngayon mahahati mo sa apat,” pahayag ni Mayor Robes sa isang radio interview.
Ipinaliwanag ng alkalde na ang mga opisyal at empleyado ng barangay ay mas makakapag-concentrate sa paghahatid ng mga serbisyo sa isang maliit na nasasakupan.
Sinabi ni Rep. Robes, nakita niya sa okasyon ng Women’s Month, ang hakbang na ito bilang isang bagong pagkakataon upang matulungan ang kanyang mga nasasakupan partikular na ang mga kababaihan ng San Jose del Monte.
“Bilang isang babaeng mambabatas, binibigyan ko rin ng espesyal na atensyon at pangangalaga ang kababaihan ng San Jose Del Monte, na binibigyang kapangyarihan sila sa proseso. Ang aking proyektong Tindahan Ni Maria ay nagbibigay sa kababaihan ng karagdagang kapital na sa kalaunan ay magbibigay sa kanila ng napapanatiling kabuhayan bilang mga negosyante,” ani Rep. Robes.