4 PANG IMPORTS KIKILATISIN(Tropang Giga vs Fuel Masters; Road Warriors vs Bossing)

pba

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – NLEX vs Blackwater
5:45 p.m. – TNT vs Phoenix

MATAPOS magpakitang-gilas ang apat na imports sa opening noong Linggo sa Philsports Arena, dalawang bagong imports — ang isa ay NBA veteran — at dalawang returning imports ang kakaliskisan sa ikalawang playing day sa PBA Governors’ Cup ngayong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.

Tatrangkuhan ni returning import Shawn Glover ang Blackwater laban sa bagong reinforcement NBA veteran Jonathan Simmons ng NLEX sa unang laro sa alas-3 ng hapon, habang palalakasin ni Jalen Hudson ang Talk ‘N Text sa pakikipagtuos sa Phoenix na pangungunahan ni Da Vauhn Maxwell sa alas-5:45 ng hapon.

Naglaro si Glover para sa Blackwater sa 46th Governors’ Cup.

Si Simmons ang pinakabeterano sa lahat ng imports na naglaro sa San Antonio Spurs, Orlando Magic at Philadelphia 76ers, gayundin sa Liaoning at Shanxi sa Chinese Basketball League.

Dahil sa kanyang NBA credentials at malawak na karanasan ay pinapaboran ang Road Warriors laban sa Bossing.

Gayunman, hindi pa matiyak kung lalaro si Simmons dahil napaulat na magdadala ang Road Warriors ng bagong import makaraang magkaroon sila ng problema kay Simmons.

Ang dating NBA campaigner ay sinasabing nagkakaroon ng problema sa pagkuha ng clearance mula sa kanyang dating koponan sa China habang ibinunyag ni NLEX coach Frankie Lim na may mas magandang alok kay Simmons para bumalik sa CBA.

“Meron siyang offer sa China so ang sabi ko, ‘Sige lumarga ka, hanap na lang kami ng iba. Baka hindi na lumaro sa Wednesday,” sabi ni Lim, at idinagdag na naghahanap na ang kanilang team manager ng kapalit. “Basta we’ll just try and gawan ng paraan.

Hanggang isinusulat ang balitang ito, wala pang anunsiyo ang kampo ng NLEX kung maglalaro ito na walang import dahil wala pang ipinababatid ang koponan sa liga na anumang pagbabago hanggang Tuesday noon ang deadline.

Ang mananalo sa laro ngayon ay sososyo sa opening day winners Meralco at Converge sa maagang liderato.

Sa pamumuno ni KJ McDaniels na tumipa ng 37points, tinalo ng Bolts ang Rain or Shine Elasto Painters at pinayuko ng FiberXers sa pangunguna ni New Zealand import Ethan Rusbach ang Marcus Weathers-led North Port na hawak ni interim coach Bonnie Tan.

Samantala, pinapaboran ang TNT kontra Phoenix dahil malalim ang bench nito at nasa kanila ang deadly trio nina Asian Games at FIBA veterans Jayson Castro at Roger Pogoy at Filipino-American Mikey Williams.

Kahit lamang sa billing sy hindi puwedeng magpabaya at magkumpiyansa ang Tropang Giga dahil may kakayahan ang Fuel Masters na baligtarin ang ang laro sa kanilang pabor.

CLYDE MARIANO