4 PANG PULIS NAKALIGTAS SA COVID-19

APAT pang pulis na dina­puan ng COVID-19 ang tuluyang gumaling at nakalabas na ng health facilities, ayon sa Philippine National Police –Health Service (PNP-HS).

Dahil sa paggaling ng nasabing mga pulis, umabot na sa 48,688 ang nakarekober sa nasabing sakit.

Siyam na pulis naman ang patuloy pang ginagamot habang isa ang bagong infected sa police organization.

Dahil sa dagdag-bawas na paggalaw sa kaso ng coronavirus disease sa police, hanggang kahapon ay nasa 48,825 na ang kabuuang kaso ng nasabing sakit sa PNP.

Nananatili naman sa 128 ang nasawi sa sakit simula nang maitala ang unang fatalities noong Abril 2020 at ang pinakahuli ay noong Pebrero 1.

Samantala, 129,367 pulis na ang tumanggap ng booster shot; 220,568 cops ang fully vaccinated; 3,455 pa ang naghihintay ng makumpleto ang bakuna habang 661 pa ang hindi nababakunahan dahil sa taglay na medical condition at paniniwala laban sa COVID-19 vaccines.

Inaasahan naman na malapit na ang flat line sa kaso ng virus sa nasabing organisasyon na patuloy na naghihigpit para matiyak ang kaligtasan mula sa naturang sakit. EUNICE CELARIO