4 PATAY, 3 SUGATAN SA SUNOG

CAVITE- PATAY ang apat katao kabilang ang tatlong menor de edad habang tatlo naman ang sugatan matapos na tupukin ng apoy ang isang residential area sabi Barangay Talaba Dos, Bacoor sa lalawigang ito.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) CInsp. Alexander Dale Quiban Baena ng Bacoor City Fire Station, apat ang kumpirmadong namatay sa insidente kabilang ang 3 menor de edad na ang pinakabata ay 5-anyos lamang.

Habang tatlo naman ang naiulat na sugatan sa nasabing insidente.

Tinatayang aabot sa100 pamilya ang apektado ng sunog at pansamantalang inilipat ang mga nasunugan sa gymnasium ng barangay.

Aabot sa higit P2.2 milyon ang iniwang danyos sa nasabing sunog.

“Mayroon tayong tinitingnan na isang anggulo na LPG leak ang naging cause ng ating fire.

Tinitingnan pa ng ating mga investigator, kino-confirm pa kung ‘yun talaga ang cause. Base sa testimony ng ating mga witnesses, possible na ‘yun ang pinagmulan ng sunog,” ani Baena.

Ayon pa sa opisyal nahirapan rumesponde ang mga bumbero dahil sa sikip ng daan at mabilis na kumalat ang apoy dahil puro light materials ang mga bahay.

Hindi pa rin narerekober ang mga bangkay ilang oras matapos maapula ang sunog dahil kailangan pa itong iproseso ng SOCO.

Pagkatapos nito, hihintayin naman ang punerarya para maligpit nang maayos ang katawan ng mga biktima.

Ayon pa sa mga nakaligtas sa sunog, nakaamoy sila ng gasolina sa bahay na pinangyarihan ng sunog.

Nagpaalala naman si Baena tungkol sa kahalagahan ng fire drills.
EVELYN GARCIA