4 PATAY, 4 SUGATAN SA COTABATO MASSACRE

baril

PATAY ang apat na magkakamag-anak habang apat na iba pa ang malubhang nasugatan nang biglang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang kalalakihan ang isang bahay sa Barangay Lagundi, sa bayan ng Pikit, North Cotabato kamakailan.

Kinilala ni Pikit Police Chief Capt. Mautin Pangandigan ang apat na biktimang babae na sina Sittie Alipolo Abdullah, 58-anyos, biyuda ;  Zenaida Mustapha, 36-anyos; Laga Abdullah, 34-anyos; at isang tatlong taong gulang na batang babae.

Habang ang mga sugatan na kasalukuyang naka-confine sa pagamutan ay kinilalang sina Asria Abdulrajak Abdullah, 30-anyos, at tatlong menor-de-edad na sina Ryan Abedin, 13-anyos; Raad Abedin, 7-anyos,  at  Asya Abdullah, 8-anyos .

Ayon kay Pangandigan,  apat na armadong kalalakihan ang sumalakay sa bahay ng mga biktima at walang awang pinagbabaril ang mga ito.

Lumitaw sa pagsisiyasat, M16 armalite rifle ang ginamit ng mga salarin base sa nakuhang basyo ng bala sa crime scene na kung saan ay 13 kilometro lamang ang layo ng lugar ng pinangyarihan sa Pikit Police Station.

“May persons of interest na kaming tinututukan sa nangyaring pamamaril. Tinitingnan naming anggulo na may kina­laman sa trabaho ng ama ng mga biktima,” ani Pangandigan.

Nasa mabuti nang kalayagan ang mga nasugatang biktima na patuloy na nagpapagaling sa ospital. VERLIN RUIZ

Comments are closed.