RIZAL – SA kasagsagan ng takot ng mga mamimili laban sa African Swine Fever (ASF) na itinuturing sanhi ng pagkamatay ng ilang alagang baboy sa lalawigang ito at maging sa Bulacan, apat na patay na baboy ang nakitang inanod sa isang ilog sa Barangay San Isidro, Rodriguez.
Magugunitang ang lalawigang ito ay isa sa mga lugar na tinukoy ng Department of Agriculture (DA) na apektado ng ASF.
Noong Biyernes, umabot sa 55 ang bilang ng mga patay na baboy na natagpuan sa Marikina River, na pinaghihinalaan ng awtoridad na galing Rodriguez at San Mateo, Rizal.
Bukod sa Marikina, ilang patay na baboy rin ang inanod sa isang creek sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City.
Ang mga natagpuang patay na baboy sa Quezon City ay pinangangambahang namatay sa ASF.
Hinimok naman ng DA ang mga magbababoy na agad i-report sa mga lokal na veterenarian ang kanilang mga baboy na may sakit o namatay na.
Ang mga veterinarian na ang makikipag-ugnayan sa Bureau of Animal Industry para matukoy ang sanhi ng pagkamatay o sakit ng mga baboy.
Ibinunyag din ng DA na sa ilalim ng batas, maparurusahan ang mga taong nagtatapon ng mga patay na baboy lalo na sa mga ilog.
Una ng ibinunyag ni Agriculture Secretary William Dar na nagpositibo sa ASF ang blood samples ng ilang namatay na baboy galing Rizal at Bulacan. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.