AALIS ngayong araw patungong Kazakhstan ang apat na Pinoy boxers para sumabak sa prestihiyosong President Cup na aarangkada sa Hulyo 15 sa capital city Astana.
Nangako sina Jogen Ladon, Mario Fernandez, James Palicte at Joel Batio na gagawin nila ang lahat para manaig laban sa mga katunggali mula sa mahigit 10 bansa.
Sa masusing gabay nina coach at dating national boxers Ronald Chavez at Elmer Pamesa, si Ladon ay lalaban sa 52 kg, si Fer-nandez sa 57 kg, si Palicte sa 63kg, at si Batio sa 69 kg.
Ang pagsabak ng mga Pinoy sa nasabing boxing tournament ay bilang paghahanda sa 30th Southeast Asian Games na gaga-napin sa Filipins sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
“We’ve sent other members of the national team to other overseas boxing competitions. Now, it’s their turn to showcase their skills atop the ring and prove to their countrymen they are ready for the SEA Games,” sabi ni ABAP secretary general Ed Picson.
Magsasagawa ang apat na boxers ng limang araw na training camp para mahasa bago sumabak sa torneo.
Ayon kay Picson, maaga nilang pinapunta ang mga boksingero para masanay sa klima sa Kazakhstan.
Sinagot ng Philippine Sports Commission na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang lahat ng gastusin ng mga boksingero. CLYDE MARIANO