NASAMPAHAN na ng kaso ang apat na pulis at kasabwat nito na naaresto ng mga awtoridad kaugnay ng pagnanakaw ng P30 milyon sa isang Japanese at kinakasamang Pinay sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Kapitolyo, Pasig City nitong Sabado ng madaling araw.
Ayon kay Pasig Police Chief Col. Roman Arugay, kasong Robbery ang isinampa laban kina SSgt. Jayson Bartolome; Cpl. Merick Desoloc; Cpl. Christian Jerome Reyes at Pat. Kirk Joshua Almojera na pawang nakatalaga sa Taguig City Police Station at AJ Mary Agnas na staff ng mag-partner na complainant.
Nagpapatuloy naman ngayon ang pursuit operations sa dalawa pang suspek na nakatakas na sina Ferdinand Fallaria na dating pulis na nakatalaga sa NCRPO at isang Rowel Galan.
Base sa ulat ng Pasig City Police, nangyari ang krimen dakong alas-12:10 ng madaling araw nitong Sabado.
Pinasok umano ng mga suspek ang bahay ng mag-partner na sina Kani Toshihiro at Joana Marie Espiritu at tinutukan ang mga ito ng baril para sapilitang buksan ang vault at tangayin ang kanilang salapi na nagkakahalaga ng ₱30 milyon.
Nang tumakas ang mga suspek agad sumaklolo ang mga biktima sa mga pulis.
Sa kasagsagan ng habulan na makikita sa CCTV footage, may dalawang suspek na inabandona ang sakay nilang motorsiklo at umakyat sa nakasarang gate sa West Capitol Drive.
Natunton sila ng mga pulis at nagkaroon ng engkwentro na ikinasawi ng isang suspek na si Jhon Carlo Atienza at ikinasugat ng rumespondeng pulis na si SSgt. Bartolome.
Samantala, naaresto naman ng mga pulis ang limang suspek at nasamsaman din sa kanila ang apat na baril.
Inalis na sa puwesto ang apat na pulis alinsunod sa utos ni Philippine National Police Chief Police General Dionardo Carlos.
Damay din sa pagkakatanggal sa puwesto ang Commander ng Sub-Station 1 ng Taguig City Police na si Major Balgemino habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. REA SARMIENTO