INIHARAP kahapon nina Interior Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa media ang apat na pulis na sangkot sa pagdukot sa apat na dayuhan sa Pasay City nitong Hunyo 2.
Sinabi ni Abalos na ang mga suspek ay binubuo ng dalawang pulis mula sa Pasay, isang pulis Makati at isang nakatalaga sa Camp Crame.
Sa record ng PNP, naganap ang pagdukot nitong Hunyo 2 nang parahin ng mga pulis ang apat biktima na pawang mga Chinese na sakay ng SUV sa Taft Avenue, Pasay City dahil sa umano’y traffic violation.
Dumating naman ang dalawa pang pulis at agad na ipinosas ang mga biktima at isinakay sa van para dalhin sa ibang lugar.
Gayunpaman, nakatakas ang dalawa sa mga biktima at nakapagsumbong sa awtoridad dahilan para maaresto ang mga suspek.
Naniniwala si Abalos na miyembro ng sindikato ang mga naarestong pulis at tinutugis na rin ang iba pang suspek na pawang mga sibilyan kabilang ang dalawa na umano’y mastermind.
Ang apat na naaresto ay nahaharap sa kasong kidnapping, robbery at serious illegal detention.
Nagpahayag naman ng galit at lungkot si Marbil dahil nasangkot ang kanyang mga tauhan sa katiwalian, sinisira ng mga naaresto ang imahen ng pulis at tiniyak ang kaparusahan sa ginawa gayundin ang pagsasampa ng administratibo na daan para tuluyang masibak sa serbisyo.
“Di na natuto, this is life imprisonment, you destroyed ‘yung buhay n’yo, you destroyed ‘yung tiwala ng mga tao, I hope hindi na ito mauulit, malaki itong babala, lahat ng mga pulis na involved wala na tayong patawad, and we will make sure na itong mga tao na ito, they will die in prison!, ayon kay Marbil.
Samantala, nagbabala rin si Marbil sa mga gumagamit ng blinkers sa sasakyan dahil ito ay nagagamit para makagawa ng iregularidad. EUNICE CELARIO