PLANO ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC na ipadeklara sa gobyerno na ilagay sa ilalim ng state of calamity ang mga rehiyong labis na nasalanta ng bagyong Ompong.
Kabilang sa ipinasasailalim at inirerekomenda sa Malacañang ng NDRMMC sa state of calamity ay ang Regions 1, 2, 3 at Cordillera Administrative Region (CAR) matapos silang salantain ng bagyong Ompong kamakailan.
Isusumite ng NDRRMC ang resolusyon na hihiling kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong linggong ito na ideklarang nasa state of calamity ang mga nabanggit na rehiyon sa Luzon na tinamaan ng bagyo.
Sa sandaling maisailalim sa state of calamity ang mga nabanggit na rehiyon ay magpapatupad ng price ceiling sa mga pangunahing bilihin.
Mahigpit ding babantayan ang mga nagnenegosyo sa posibleng overpricing o hoarding.
Mapaglalaanan din ng pondo ang mga kinakailangan ng repair lalo na sa mga public infrastructure.
Sa datos ng NDRRMC, sa CAR umabot sa mahigit 12,000 ang nasirang mga bahay; mahigit 8,000 sa Region 1; mahigit 25,000 sa Region 2; at mahigit 1,200 sa Region 3 dahil sa pananalasa ng bagyo.
Base sa tala ng Naga City Command Center, nasa mahigit 50 pa ang nananatiling missing na pinaniniwalaang nailibing nang buhay sa nasabing insidente. VERLIN RUIZ
Comments are closed.