4 SANGKOT SA JOLO CATHEDRAL BOMBING TUMBA SA MILITAR

Sulu Bombing

SULU – NAPATAY ang apat na miyembro ng Abu Sayyaf habang dalawa sa mga ito ang sumuko sa pinagsanib na operasyon ng militar at pulisya sa dalawang Barangay sa Patikul.

Ayon kay Joint Task Force Sulu, ikinasa ng ground forces mula sa 41st Infantry at 2nd Special Forces Battalion ang operasyon sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Bangkal at Brgy. Danag kahapon kung saan nakasagupa nila ang mga bandido sa ilalim ni Almujer Yada

Ayon kay JTF Sulu Commander BGen. Divino Rey Pabayo Jr., umabot ng 45 minuto o halos isang oras ang bakbakan hanggang sa magkawatak-watak ang mga bandido.

Kabilang sa mga nasawi sa bakbakan ay sina  Barak Ingog na sangkot sa pagpapasabog sa Jolo Cathedral maging si Nasser Sawadjaan na pamangkin ni ASG Leader Hatib Hajan Sawadjaan.

Dalawang iba pang bandido ang sumuko habang iba’t ibang mga  armas naman ang nasamsam tulad ng dalawang M16, isang garand rifle at personal na gamit ng mga terorista.

Bukod dito, sinabi ni Pabayo na may isa pang ASG high value target ang hinihinalang nasawi rin sa bakbakan at nawawala batay sa intelligence report na kanilang natanggap.

Samantala, sa sagupaan, tatlong sundalo ang bahagyang nasugatan at agad na isinakay sa pamamagitan ng chopper ng AFP sa Kuta He­neral Teodulfo Bautista Station Hospital sa Sulu. REA SARMIENTO