4 STUDES TODAS SA SALPOK NG TRUCK

QUEZON-DEAD on the spot ang apat na estudyante makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang van sa likuran ng isang truck sa Maharlika Highway sa Tayabas City sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasawi na sina Juan Carlos Alvarez, Enrique Garcia, Marga Elaine Ramirez at Michaela Jeuel Solomo, mga estudyante at pawang residente sa Candelaria, Quezon.

Batay sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling araw kung saan mabilis umano ang takbo ng Toyota Innova na may plakang DAC 4983 na sinasakyan ng mga biktima nang sumalpok ito sa sinusundang forward truck na may plakang WTP 521 sa paakyat na bahagi ng highway sa Barangay Calumpang.

Nabatid na mula sa Lucena City ang van na patungo na sa Candelaria nang mangyari ang sakuna.

Ayon sa driver ng truck, dahil sa bigat ng kanilang karga ay hindi na nito namalayan ang pagsalpok van at inakalang pumutok lamang ang isang gulong nila sa hulihan.

Napansin na lamang umano nito sa side mirror na kaladkad na nila ang van.

Nagtamo ng mga grabeng pinsala ang mga biktima na agad ng mga itong ikinamatay.

Nasa kustodiya na ngayon ng Tayabas PNP ang driver ng truck. ARMAN CAMBE