4 SUGATAN, 21 NADAKIP SA ISANG ORAS NA SAGUPAAN

NORTH COTABATO – APAT katao ang na­sugatan kabilang ang isang sundalo habang 21 kasapi ng armed lawless element ang nadakip matapos ang may isang oras na sagupaan sa Barangay Bagolibas, Aleosan sa lalawigang ito ka­makalawa ng hapon.

Ayon kay Lt. Col. Edgardo B. Batinay, pinuno ng 34th Infantry (Reliable) Battalion nasupil ng Philippine Army ang planong paghahasik ng karahasan ng mga armadong pangkat  dahil sa mabilis na tactical offensive na kanilang ini­lunsad.

Una rito nakatanggap ng sumbong mula sa local residents ang militar hinggil sa mga armadong kalalakihan na sakay ng dalawang multicab, isang pick-up, at tatlong motorsiklo.

Pinamumunuan uma­­­no ang grupo nina alyas Montasser at Nasser na patungo sa Sitio Tubak, Barangay Pagangan ng nasabing bayan.

Agad naglunsad ng operasyong militar ang tropa ng 34IB na nauwi sa mahigit isang oras na bakbakan. Sa naturang sagupaan, tatlo sa hanay ng kalaban ang sugatan, habang isang sundalo naman ang nasugatan mula sa panig ng pamahalaan.

Naaresto ng militar ang 21 katao na kasapi ng lawless elements, at nasamsam mula sa kanila ang pitong matataas na kalibre ng baril, kabilang ang limang M16 rifles at dalawang M14 rifles. Nakuha rin ang isang granada, pitong bandolier, mga bala, magasin, at mga sasakyang ginamit nila.

Pinuri ni Major General Antonio G. Nafarrete, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang kabayanihan ng mga sundalo, lalo na si Cpl. Roy Villaber, na nasugatan sa labanan at ngayo’y nasa maayos nang kalagayan. Pinasalamatan din ng Division Commander ang maagap na pagsusumbong ng mga residente hinggil sa mga namataang armadong grupo.

“Ang kabayanihan ni Cpl. Villaber at ng kanyang mga kasamahan ay patunay ng walang kapantay na pagsisilbi ng ating mga kasundaluhan. Ang kanilang kahandaan na isakripisyo ang buhay ay nagpapatunay ng kanilang dedikasyon sa pagtatanggol ng ating bayan laban sa mga ele­mentong nais maghasik ng kaguluhan. Patuloy nating ipaglalaban ang katahimikan at seguridad na tinatamasa ng ating mga komunidad sa kabila ng mga banta sa kapayapaan,” ani Major General Nafarrete.

VERLIN RUIZ