4 SUGATAN SA ANTI-PERSONNEL LANDMINE 

LANDMINE

CAMARINES SUR – APAT na sibilyan ang nasugatan nang masabugan ng anti-personnel landmines na itinanim at pinasabog ng Communist-NPA-Terrorists sa Brgy. Malinao, Libmanan.

Ayon kay Philippine Army Spokesman, Col Ramon Demi Zagala, isa na namang paglabag sa umiiral na Ottawa Convention na mas kilala sa “Mine Ban Treaty” ang ginawa ng Communist Party of the Philippines at ng armadong galamay nito na New People’s Army na nagbabawal sa paggamit ng anti-personnel landmines (APLs) .

Ayon kay Col. Zagala nakapaloob din sa mga probisyon ng International Humanitarian Law bilang Rule No. 7 na nagsasaad na “the parties to the conflict must at all times distinguish between civilian objects and military objectives.”

Dapat umanong itutok ng CPP-NPA ang kanilang pag-atake sa mga target na sundalo at hindi ituon sa mga sibilyan.

Nabatid na kasalu­kuyang kinukumpuni ng ilang sibilyan at mga tauhan ng 22nd Infantry (Valor) Batta­lion ang umano’y winasak na mga tubo ng tubig  sa barangay nang biglang may sumambulat na bomba na ikinasugat ng isang sundalo, dala­wang CAFGU at apat na sibilyan.

Kinilala ang mga sibilyang sugatan sa pagsabog na sina  Jerime Tordilla, Romano Sigundo, Roberto Pagal at Angelmore Salvino.

Matapos ang indiscriminate attack ay pinaulanan pa ng bala ng mga rebelde ang sundalo at sibilyan na nagkukumpuni ng water pipes sa Barangay Malinao.

Agad na kinondena ng Joint Task Force Bicolandia na pinamumunuan ni Maj. Gen. Fernando T. Trinidad, ang ginawang pag-wasak sa pinagkukunan ng tubig ng mga sibilyan at pagdamay sa mga ito sa pananalakay ng CPP-NPA sa mga tinuturing na  “non-military targets”. VERLIN RUIZ