MAGUINDANAO- INAALAM pa ng mga awtoridad kung may kaugnayan sa terorismo o hidwaan sa negosyo ang motibo sa pagpapasabog ng isang passenger bus na ikinasugat ng apat katao kahapon ng umaga sa bayan ng Parang, lalawigang ito.
Ayon sa Parang Municipal Police Station may apat katao ang kinailangan lapatan ng lunas kasunod nang naganap na bomb explosion bandang ala-6:57 kahapon ng umaga sa hulihang bahagi ng Rural Tour Bus na papuntang Dipolog City mula General Santos City.
Ayon kay Brig. Gen. Arthur Cabalona, regional director ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na pinakukuha na niya ang CCTV footages sa dinaanan ng bus at sa hinituan nitong kainan nang mag-stop over para makita kung sino ang nagtanim ng bomba o kung sino sa mga pasahero ang nawawala na maaaring maging person of interest.
Kinilala ang mga sugatan na sina Fesel Panario Culag, 40-anyos; John Paul Capuo, 17-anyos ; Expedito Bocay, 45-anyos at Benjamin Macacua Wahab, 32-anyos na pawang residente ng Cotabato City.
Sa inisyal report na ibinahagi ni Parang Chief of Police Lieutenant Colonel Joseph Macatangay, habang tinatahak ng Rural Tours Bus ang kahabaan ng national highway sakop ng barangay Making sa bayan ng
Parang ay pansamantalang nag stop over ito para mag-almusal nang biglang niyanig ang hulihang bahagi ng bus ng malakas na pagsabog mula sa hinihinalang improvised explosive devised.
Dahil sa lakas ng pagsabog may apat na pasahero ang nakitang sugatan na agad na itinakbo sa Parang District Hospital.
Sina Culag at Capuo ay inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City na may kumpletong kagamitan dahil nasa maselang kondisyon ang dalawang biktima.
Lumilitaw sa paunang pagsisiyasat na kung hindi extortion ay maaaring away o agawan sa ruta ng RTB na may biyaheng Dipolog City papuntang General Santos City ang tinitignang motibo sa pagsabog. VERLIN RUIZ