LAGUNA- APAT na katao ang malubhang nasugatan nang mahulog ang kanilang sinasakyan 10 wheeler truck sa gumuhong tulay na bakal na may 10 metro ang lalim sa Barangay San Isidro, Majayjay ng lalawigang ito.
Kinilala ng Majayjay MDRRMO ang mga nasugatan na sina Jielan Benlot,34-anyos ng San Fernando, Pampanga,: Noel Clemente, 43-anyos, residente ng Pagsanjan, Laguna; Den Fernandez, 44-anyos at Jeffrey Primo, 29-anyos ng Bacolor, Pampanga.
Mabilis na isinugod sa Laguna Medical Center ang mga sugatan.
Sa pahayag ni Majayjay Mayor Carlo Clado, ang bakal na tulay ay nagsisilbing daan para sa mga mamamayan ng Majayjay at Liliw kung saan ito rin umano ang kaisa-isang lagusan at matatawiran ng mga magsasaka at mga biyahero ng gulay na nagdadala sa Metro Manila.
Iginiit nito na hindi dapat ipinilit ng driver ng truck na dumaan sa gumuhong tulay dahil para lamang ito sa mga jeepney, tricycle at motorsiklo na siyang pangunahing transportasyon na pinapayagan tumawid sa nasabing daan.
Sa pangyayaring ito, pansamantalang lulusong sa ilog ang libo-libong redidente ng dalawang bayan para sa kanilang pang-araw araw na gawain. ARMAN CAMBE