SULTAN KUDARAT- NADAKIP ng pinagsanib na puwersa ng AFP at PNP ang apat na kasapi ng communist terrorist group (CTG) sa isinagawang joint law enforcement operation sa Sitio Bagang-Bagang, Lagubang, Senator Ninoy Aquino (SNA) sa lalawigang ito.
Ayon kay Maj. Gen. Alex Rillera, Commander ng Joint Task Force Central, kinilala ang mga nadakip na sina Hali Watamama Agsem, a.k.a. Tracky; Antes Ugis Agsem, a.k.a. Kulalong; Pengi Landigan Agsem, a.k.a. Bayot; at Henry Ugis Agsem, a.k.a. Dexter.
Ang apat ay mga nalalabing kasapi ng Sub-Regional Committee Daguma, Far South Mindanao Region na sangkot sa pagpatay kay Richard Caligid Panganuron sa Sitio Bagang-Bagang noong Marso 17, 2022; paglikida kay Nonoy Kalay Lapi isang CAFGU sa Sitio Lemangga, Barangay Midtungok, SNA noong Oktubre 16, 2022; pagpatay kay Egme Salaman Watamama noong Marso 17, 2021 sa Sitio Binibol, Barangay Lagubang; at pagpatay kay Sergeant Ariel Entang ng 7th Infantry Battalion sa naganap na engkuwentro sa Brgy. Napnapon, Palimbang noong Hunyo ng nakalipas na taon.
Inaresto ang apat na CTG personalities sa bisa ng warrants of arrest dahil sa kasong murder, attempted homicide, at violation of Section 11, Article II of Republic Act 9165.
Pansamantalang dinala ang apat sa PNP CIDG-12 SKPFU para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
VERLIN RUIZ