4 TIKLO SA P210K HALAGA NG DROGA

SA kulungan bumagsak ang apat na hinihinalang drug personalities matapos makuhanan ng higit sa P.2 milyon halaga ng shabu sa isinagawang magkakahiwalay na drug operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa imbestigasyon ni Cpl Christopher Quiao, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni LT Joel Madregalejo sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Ramchrisen Haveria Jr ng buy bust operation sa harap ng No. 6136 Calle Onse , Reverside, Brgy. Gen T De Leon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Roberto Asis alyas “Bebot”, 39-anyos.

Nakumpiska kay Asis ang nasa 16 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P108,800.00 ang halaga, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at 4 na pirasong P1,000 boodle money, smart phone at pouch.

Dakong alas-11:45 naman ng gabi nang masakote rin ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Sugar St. Llenado Subdivision, Brgy. Karuhatan, si Elmer Sarmiento, alyas “Topak”, 35-anyos at Joseph Ray Sto. Domingo, alyas “Jorey”, 25-anyos matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Ayon kay SDEU investigator PSMS Fortunato Candido, narekober sa mga suspek ang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P68,000.00 ang halaga, buy bust money, P690 cash, cellphone, sling bag at motorsiklo.

Samantala, natimbog din si Renato Makiling, 37-anyos matapos makuhanan ng nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P34,000.00 ang halaga, P300 cash, cellphone at coin purse makaraang respondehan ng mga operatiba ng SDEU ang natanggap na tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong illegal activities sa Santolan Service Rd. Brgy. Gen. T. De Leon dakong alas-9 ng gabi. EVELYN GARCIA

32 thoughts on “4 TIKLO SA P210K HALAGA NG DROGA”

Comments are closed.