CENTRAL LUZON- APAT na miyembro ng sindikato na nagpapakalat ng pekeng US dollar at bank notes ang nasakote ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) sa isinagawang entrapment operation sa Angeles City Pampanga at Tarlac.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang mga suspek na sina Joeylyn Castro, Virgilio Yalung, Zenia Andres at Marilyn Lucero na pawang nakatira sa Pampanga at Tarlac.
Ayon kay NBI Director Distor, nakatanggap ng impormasyon ang nasabing ahensiya laban kina Castro at Yalung na magtutungo sa isang money changer sa Angeles City para magpapalit ng 78 pirasong pekeng US dollars sa Phil. pesos.
Kaagad naman nakipag-ugnayan ang NBI-SAU sa ilang pamunuan ng Payments and Currency Investigation Group, Office of the Assistant Governor, Payments and Currency Development Sub-Sector, Bangko Sentral ng Pilipinas (PCIG-PCDSS, BSP) at sa local authorities.
Nabatid na isinailalim sa surveillance ng NBI-SAU sina Castro at Yalung na sinasabing pumasok sa isang money changer sa Angeles City kung saan tinangkang ipalit ang pekeng 78 pirasong tig-USD100.
Gayunpaman, tinanggihan ng kahera ng money changer ang 78 pirasong tig-100 US dollar dahil sa peke kaya dito na nilapitan ng mga operatiba ng NBI-SAU ang dalawa saka inaresto.
Isiniwalat naman nina Castro at Yalung ang kanilang kasabwat na sina Andres at Lucero kaya nasakote ang mga ito sa Anopol, Bamban, Tarlac kung saan nasamsam din ang 78 pirasong pekeng tig-100 US dollar.
Kinumpirma naman ng mga bank officer ng PCIG-PCDSS, BSP na pekeng US dollar ang nasamsam sa mga suspek na kasalukuyang isinailalim sa inquest proceedings sa Office of the Prosecutor – Department of Justice, Manila sa paglabag sa Article 168 (Illegal possession and use of false treasury or bank notes and other instruments of credit) at Article 166 (Forging treasury or bank notes on other documents payable to bearer). MHAR BASCO