4 TODAS SA KILLER VAN

COTABATO- HINDI na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang apat katao makaraang araruhin ng isang pampasaherong van na minamaneho ng lasing na driver ang dalawang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa bayan ng Kabacan, lalawigang ito.

Batay sa report ang mga biktima na idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan ay nakilalang sina Mohaimen Bangkailan, 29-anyos at Nasser Mansag Cadulong, 35-anyos, kapwa driver ng motorsiklo, gayundin ang kanilang backriders na sina Almina Bangkailan, 21-anyos at Kalya Sacanda.

Ayon sa mga doktor na tumingin sa mga biktima, nagtamo ang mga ito ng malulubhang pinsala sa ulo at katawan na siyang naging dahilan ng maagang nilang pagkamatay.

Base sa report ni Major Maxim Peralta, hepe ng Kabacan Municipal Police Station (MPS), naganap ang aksidente dakong alas-8:16 ng gabi sa national highway sa Brgy. Kayaga, Kabacan.

Tinatahak ng dalawang motorsiklo ang national highway habang nasa kabilang lane naman ang van at pagdating sa pakurbadang daan, sinalubong at sinuyod ng van ang dalawang motorsiklo.

Sa sobrang lakas ng pagkakabangga ng van sa dalawang motorsiklo ay tumilapon ang mga biktima.

Samantala, nasa kustodiya na ng Kabacan Police ang driver ng van na si Marcelino Zacharias at inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.

Napag-alaman na lasing ang driver ng van matapos na ito ay ipasuri ng mga awtoridad sa mga manggagamot matapos na mapansin na amoy alak ito. EVELYN GARCIA