4 TULAK NALAMBAT SA BUY BUST

RIZAL- NAGHIHIMAS ng rehas na bakal ang apat na lalaking sangkot sa talamak na bentahan ng bawal na droga sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga suspek na sina Jhon Carlo Santos y Roldan @ DUNE, leader ng John Carlo Santos Drug Group; Janice Sesbreño Y Toledo, miyembro ng John Carlo Santos Drug Group; Mark Nelson Belleza y Tiomico @ Macky, high value individual at pusher; at Efraim Hernandez y Labitag y Hernandez @ JAP, high value individual at user.

Ayon sa ulat ni Rizal Police Provincial Director, Col. Dominic Baccay kay Calabarzon Acting Regional Director Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr, isang alyas Dune na kilalang lider ng John Carlo Santos Drug Group ang sangkot sa talamak na bentahan ng iligal na droga sa Cardona.

Nasakote ng mga tauhan ng Rizal PIU at Cardona MPS ang suspek sa ikinasang buy bust operation sa Sitio Tadlak, kakalawa sa Brgy. Looc, Cardona, Rizal.

Nakumpiska sa pag-iingat ng mga suspek ang 10 pirasong maliliit na plastic sachets na naglalaman ng 50 gramo ng shabu; pouch; isang piraso ₱1,000 bill na buy-bust money at iba pa.

Ayon kay Baccay, nagkakahalaga ng P340,000 ang nasamsam na shabu sa mga suspek na nahaharap ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165. ELMA MORALES