MAHIGIT P.3 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa apat na hinihinalang drug personalities matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Malabon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina James Eugenio alyas “Tikyu”, 28-anyos, (Pusher/Listed), Anthony John Paguirigan alyas “Pong”, 32-anyos, Rexdy Aguilar y, 42-anyos, kapwa (User/Listed) at Jefferson Perico, 28-anyos.
Ayon kay Col. Barot, dakong alas-2:20 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni Lt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Panghulo Road, Brgy. Panghulo.
Isang undercover police na nagpanggap na poseur-buyer ang nagawang nakipagtransaksyon ng P500 halaga ng shabu kay Eugenio at Paguirigan.
Nang matapos ang transaksyon, agad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek kasama sina Aguilar at Periro na kapwa nakunan ng tig-isang plastic sachets ng shabu.
Ani MSg Randy Billedo, umaabot sa 54 gramo ng shabu na may standard drug price na P367,200 00 ang nakumpiska sa mga suspek kasama ang marked money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA